Hinostage at pinatay ng mga hindi nakilalang armadong lalaki ang vice mayor ng bayan ng Jones sa lalawigan ng Isabela kahapon.
Sinabi ni Chief Insp. Noel Patalittan, hepe ng Jones PNP, na si Vice Mayor Ronaldo Lucas kasama ang may 100 tagasuporta nito ay nagtungo sa Barangay Dicamay 2 para mamamahagi ng cash relief assistance sa mga mamamayan na apektado ng El Niño.
“Madaling araw pa lang nang umalis sina Vice Mayor para tulungan ang mga tao roon na nakakaranas na ng matinding tagtuyot, may cash relief at de lata para sa kanila, ngunit hinarang ang mga ito,” sinabi ni Patalittan.
Aniya, sakay si Lucas ng 4x4 truck nito ay may convoy na dalawang dump truck at iba pang sasakyan nang harangin sila ng mga armadong grupo na pinaghihinalaang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) at pinigil ng ilang oras.
Dakong 2:35 ng hapon nitong Miyerkules nang pakawalan ng mga rebelde ang mga tagasuporta ng vice mayor ngunit pinaiwan ang opisyal at ang dalawa nitong bodyguard.
“Hindi naman nila masabi kung ano pa ang sitwasyon ng opisyal na naiwan,” pahayag ni Patalittan.
Subalit dakong 5:00 p.m. ay kinumpirma ni Patalittan na pinatay ng mga armado si Lucas dahil diumano sa paglabag sa regulasyon ng mga rebelde.
Habang isinusulat ang balitang ito ay hindi pa rin malinaw kung ano ang nangyari sa dalawa pang kasamahan ng pinaslang na vice mayor. (LEIZLE BASA IÑIGO)