Nakahanda na si Mike Plania ng General Santos City na makaharap ang kapwa niya walang talo na si Lorence Rosas ng Samar sa Abril 30 sa main event ng Brawl at the Mall: Undefeated sa Makati Square Cinema, Makati City.

Nakataya sa Plania-Rosas showdown ang bakanteng World Boxing Federation (WBF) International bantamweight title.

Ayon sa ulat ng PhilBoxing.com, magsisilbing inaugural boxing show sa Metro Manila ng Sanman Promotions ang Plania-Rosas championship fight.

Sa Makati Square Cinema din ginawa ni Plania ang kanyang professional debut noong Agosto 22, 2014 nang talunin niya sa bisa ng unanimous decision si Lordy Pateno.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Plania is already 90 percent and is in great shape now,” sabi ng kanyang manager-promoter na si Jim Claude Manangquil ng Sanman Promotions.

Ayon kay Manangquil, nakapag-sparring na si Plania ng kabuuang 70 rounds at panibago pang 10 rounds noong Biyernes sa Sanman Gym sa General Santos City kasama ang kanyang stablemate na si Rimar Metuda, na isa ring southpaw kagaya ni Rosas.

Nakatakdang lumipad patungong Maynila sa Abril 26 si Plania, na may siyam na sunod na panalo, tampok ang apat na knockouts at walang tabla, kasama ang iba pa niyang Sanman teammates.

Kagagaling lamang ng 19 -anyos na Plania sa unanimous decision victory kay veteran Rogen Flores noong Marso 8 sa T’boli, South Cotabato.

Dati ring miyembro ng Philippine national team si Plania. Lumaban siya para sa bansa noong 2014 AIBA World Youth Championships na ginanap sa Ukraine at umabot hanggang quarterfinals.

Three-time gold medalist siya sa Palarong Pambansa at seven-time champion sa National Games. (Gilbert Espeña)