PABORITONG gumanap bilang nanay ng lead stars si Sylvia Sanchez kaya hindi siya nawawalan ng project sa ABS-CBN.
Sa huli niyang serye na Ningning ay gumanap siya bilang lola ni Jana Agoncillo at nanay din ni Jodi Sta. Maria sa hindi malilimutang Be Careful With My Heart. Dalawa lang ito sa napakaraming programa at pelikulang nilabasan ni Sylvia bilang ina.
At heto, sa fantaseryeng Super D na premiere telecast na sa Lunes (April 18) ay super nanay naman siya ng bidang si Dominic Ochoa.
Comedy-drama-fantasy ang format ng local hero ni Dominic bilang si Super D (daddy). Aksidente lang ang pagiging superhero niya, katunayan, hindi niya alam na kaya pala niyang maging hero para iligtas ang anak.
Tungkol sa pagiging super daddy ang serye kaya isa-isang tinanong ang cast ng fantaserye kung ano ang hindi nila malilimutang karanasan sa kanilang ama at kung matatawag din bang super dad ang mga ito.
Halos cast ay masasaya ang alaalang ibinahagi, maliban kina Sylvia, Bianca Manalo at Dominic.
Ikinatulo ng luha ng mga katotong nakikinig ang kuwento ni Ibyang na marami palang hugot pagdating sa ama.
Sa tagal na ng pagkakaibigan naming ni Ibyang, ang alam lang namin ay iniwan sila ng kanyang amang seaman at hindi na binalikan pero walang detalye. Sa presscon, emosyonal niyang sinabi na hangga’t maaari ay ayaw niyang pinag-uusapan ang ama dahil masakit ang naranasan niya at ng kanyang pamilya.
Ipinakita ang litrato ng ama ng aktres na si Mr. Roberto Campo at sabi ni Ibyang, “Sa’n ba nakuha ‘yan? Tinamaan n’yo ko rito, eh. Actually, isa ito sa… (ayaw pag-usapan), hay… puwede bang skip ang tanong?” sabi ng aktres.
Pero nagkuwento na ang iba, kaya gusto ring marinig ng mga katoto ang kuwento niya.
“Hanggang ngayon, basta tatay ang usapan, sobra akong guilty. Sa ngayon, natutuwa ako sa mga naririnig ko sa inyo (cast) kasi na-experience n’yo (na kasa-kasama ang ama).
“Ako…, inabandona kami ng tatay ko. Lumaki ako na paborito ako ng tatay ko, kasi seaman ang tatay ko ‘tapos ‘pag uuwi siya ng Manila papuntang Mindanao, nakikita ko may malaki siyang supot ng cheese curls, sa akin lang ‘yun at ‘yung isang supot, para sa limang kapatid ko at kamag-anak ko, hati-hati sila ro’n. So, namulat ako na paborito ako ng tatay ko at sobra kaming close.”
At nang gabing iyon lang din ikinuwento ng aktres na ayaw na ayaw niyang mag-taping sa Luneta Park.
“Until now, pinaka-hate ko ‘yung makakatanggap ng taping ‘pag sa Luneta. Ngayon ko lang sasabihin, ayaw na ayaw kong magti-taping sa Luneta kasi iyon lang ‘yung magandang memory ko sa tatay ko.
“Dinala niya ako sa Manila Zoo at Luneta, ‘yun lang ‘yung nag-iisa (alaala) kaya ‘pag pumapasok ako sa lugar na ‘yun, umiiyak talaga ako. ‘Yun ‘yung magandang alaala ko sa tatay ko.
“Nu’ng inabandona niya kami, nagtampo at nagalit ako sa kanya. Nagalit ako hindi para sa akin kundi para sa lima kong kapatid. Pero masasabi ko na super ang tatay ko kasi dahil sa pag-abandona niya, ginawa kong positibo ang buhay dahil paborito niya ako. Ako ‘yung nagsabi sa (pamilya) na kahit ganyan ang ginawa mo, gagawin kong challenge ‘yun at ako ang magiging tatay sa pamilya, sasaluhin ko (ang obligasyon). Ako magpapaaral sa lahat, ako lahat-lahat na ginagawa ko ‘yun hanggang ngayon.
“At gusto kong sabihin sa inyo na nagawa ‘ko yung materyal na bagay, nagawa ko ‘yung lahat, pero hanggang ngayon, isa lang ang hindi ko nagawa, ang pagmamahal ng tatay para sa mga anak.
“Ang super, ang daddy ko, kasi dahil sa ginawa niya, heto ako ngayon sa harap n’yo, nagpursige, nangarap, ‘yung gusto kong marating na ipakita ko sa tatay ko ay kaya kong gawin kahit iniwan mo kami, kaya ko at nagawa ko at masaya ako dahil ‘yung galit na iyon ay nawala nu’ng naging successful ako sa buhay ko,” mahabang kuwento ng aktres na pigil na pigil ang pagtulo ng luha.
Dagdag pa niya, “Kaya naniniwala ako na kahit na broken family kayo ay hindi nangangahulugan na may karapatan ka nang maging gago, may karapatan kang magawala sa buhay mo, hindi, choice mo ‘yun. Kung ano ang naging tayo at sa pagtanda natin, choice natin ‘yun.”
Samantala, walang tinatanggihang project si Ibyang dahil katwiran niya ay blessing ang trabaho at hindi lahat ay nabibigyan, kaya go lang siya nang go. Pero may option.
“Dinadasal ko sa buong career ko na sana ‘wag akong magkaroon ng (offer) na ang istorya ay tungkol sa mag-ama dahil talagang tatanggihan ko, aayawan ko talaga,” diretsong sabi ng aktres.
Naalala rin Ibyang noong panahon ng Esperanza na may eksenang kukunan sa Luneta.
“Two hours hindi ako makababa sa kotse kasi iyak ako nang iyak. Pagbaba ko, tahimik lang ako.”
Pagkatapos ng presscon, tinanong namin si Sylvia kung buhay pa ang daddy niya.
“May nagsasabing mga kasamahan niya (sa barko) na patay na, may nagsabi na two years ago, patay na. May nagsabing buhay pa raw at nasa Rio de Janeiro (Brazil).
Bakit hindi niya hinahanap?
“Actually, ang gustong maghanap sa tatay ko ay sina Arjo at Ria kasi gusto nilang makita ang itsura ng lolo nila, kasi siyempre alam nilang buhay, so feeling nila may kulang.
“Ako naman gusto ko siyang mahanap, sabi ko, ang taong gustong magpakita, magpapakita, ang taong hindi gustong magpakita, ayaw. ‘Tagal na kaming hindi nagkita, Grade 5 lang ako nu’ng huli kaming magkita,” kuwento ni Ibyang.
Napunta ng Brazil ang papa ni Ibyang dahil, “Nag-jump ship siya ‘tapos nakakilala nang tagaroon, hayun, may pamilya na. Ang alam ko may dalawa siyang anak sa isang Brazilian, Grade 6 ako no’n, kasi nakita ko ang picture na ‘binigay niya sa lola ko at sabi ko kung sino ‘yun, inagaw ng lola ko. Pero nabasa ko na ‘yung dedication sa likod na sinasabing bago niyang pamilya at sobrang painful ‘yun sa akin.
“Pero from Grade 6, itinago ko, hindi ko sinabi sa nanay ko, sinabi ko lang sa nanay ko ‘yan, three years ago. Kasi nakita ko na open na si Nanay, moved on na siya kaya na niya kaya sinabi ko. Actually, nanay ko, naghihintay sa tatay ko, feeling ko alam niya buhay pa tatay ko, pero sabi ko, hala, wala na ‘yun kaya mag-asawa ka na. Pero ayaw niya at kami na lang daw aalagaan niya.”
At ngayong may pamilya na si Ibyang ay may Super D siya sa buhay niya, ang asawang si Art Atayde na super tatay sa mga anak nila. Kaya maligayang-maligaya ang aktres dahil kung hindi man niya naranasang lumaki sa pagmamahal ng ama, nararanasan ng kanyang mga anak ang pagmamahal ng kanilang ama. (Reggee Bonoan)