Legazpi City – Nahaluan ng takot at agam-agam ang mga kalahok sa Palarong Pambansa rito matapos makuryente ang isang atleta na sumasabak sa Special Games ng taunang torneo kahapon sa main venue.

Hindi pa tiyak ang kalagayan ni Pamela Rabastabas, 12, miyembro ng MIMAROPA (Region 4B), at sumasabak sa girls long jump, na kaagad na isinugod sa ospital nang makuryente.

Napag-alaman kay PhilSpada Executive Director Dennis Esta, nangangasiwa ng Palaro Special Games, napahawak ang batang atleta sa steel railing na kinalalagyan ng Jollibee Mobile food station nang ito’y mangisay at agad na nawalan ng malay.

Maging ang mga unang nagtangkang tumulong sa bata ay nakuryente rin ngunit mahina na lamang ang dating nito.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“Sabi noong nakakitang atleta ay parang hinigop. Pati iyung nag-rescue sa kanya ay nakuryente rin dahil sa lakas ng kuryente na nakakabit doon sa food station,” sabi ni Esta.”The doctor is still examining the degree of electrocution pero ini-advice na rin na magstay sa ospital dahil baka naapektuhan ang kanyang internal organs,” aniya.

Mismong ang manager-in-charge ng naturang food chain ang nagdala sa bata sa ospital.

Hindi pa malinaw kung saan nagmula ang kuryente, ngunit sa inisyal na pagsusuri, nakapulupot ang ilang bahagi ng wire na pinagkukunan ng power supply ng naturang food cart sa steel railing na nahawakan ng biktima.

Kasalukuyan pa ang imbestigasyon sa kaganapan.

Samantala, inirereklamo ng mga miyembro ng media ang labis na panghihigpit ng tauhan ng Department of Education (DepEd) hinggil sa coverage sa track oval.

Reklamo ng photographer na sina Alex Badayos ng Sunstar Cebu at si Efren M. Francisco, mula sa Public Information Office (PIO) ng South Cotabato, hindi sila pinapayagan ng DepEd personnel na makalapit sa track oval, at pilit silang inilalagay sa isang lugar na walang magandang anggulo sa pagkuha ng larawan.

“Paano ka makakakuha ng magagandang litrato ng mga atleta kung itinutulak ka ng mga pulis paalis sa oval at doon ka ituturo sa grandstand. Hindi ba nila naiintindihan ang trabaho ng photographer?” sambit ni Francisco.

Ipinagbabawal din ng DepEd ang agad na pagkuha ng resulta pagkatapos mismo ng bawat laro at pag-iinterview sa nanalong atleta. Kinakailangan pang hintayin ang resulta na may opisyal na lagda ng nakatalagang officer bago ipakita sa mediamen.

“Kalahating araw muna bago nila ilabas ang resulta eh, puwede na isulat pagkatapos. Ayaw nila ipainterview ang mga atleta, eh! Agad silang bumabalik sa quarters pagkatapos ng laro nila,” ayon kay Francisco.

Samantala, limang softball player mula sa Cagayan Valley ang isinugod din sa ospital matapos magsusuka at lagnatin na posibleng naging biktima ng ‘food poisonin’.