MOSCOW (AP) — Kabilang pa rin si Maria Sharapova sa line up ng Russian Team na sasabak sa Rio Olympics, sa kabila ng pansamantalang suspensiyon sa tennis star bunsod ng kontrobersya dulot ng paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Ayon kay Russian Tennis Federation president Shamil Tarpishchev, kumpiyansa siya na walang magiging balakid sa paglalaro ni Sharapova sa Olympics na nakatakda sa Agosto.
“We really hope that Sharapova will still be allowed to take part in the Olympic Games,” sambit ni Tarpishchev.
Walang konkretong petsa na ibinigay ang International Tennis Federation para dinggin ang isyu na kinasangkutan ng four-time major champion. Nagwagi ng silver medal ang 27-anyos na si Sharapova noong 2012 Games sa London.
Pansamantalang sinuspinde si Sharapova nitong Marso nang ipahayag niya sa isang press conference na nag-positibo siya sa drug test nang lumahok siya sa Australian Open.
Nagpositibo siya sa meldonium, isang uri ng substance na ipinagbabawal ng World Anti-Doping Agency nito lamang Enero.
Inamin ni Sharapova na umiinom siya ng gamot na may sangkap ng naturang meldonium may 10 taon na ang nakalilipas para labanan ang iba’t ibang karamdaman.