Panalo si vice presidential candidate Senator Francis “Chiz” Escudero sa vice-presidential debate na inorganisa ng Commission on Elections (Comelec), ayon sa resulta ng Bilang Pilipino-Social Weather Stations Mobile Survey na kinomisyon ng TV5.

Lumitaw sa post debate survey na isa sa tatlong Pilipinong botante ang nagsabing angat si Escudero sa lahat ng kanyang katunggali sa vice presidential debate na dinaluhan ng limang iba pang kandidato.

Tinanong ang 1,200 respondent kung sino sa tingin nila ang may pinakamahusay na performance sa debate na pinangasiwaan ng CNN Philippines na ginanap sa University of Santo Tomas, sa Maynila nitong Abril 10.

Nanguna sa nasabing survey si Escudero matapos makakuha ng 33 porsiyento na sinundan ni Camarines Sur Rep. Leni Robredo, 24 porsiyento; Sen. Ferdinand Marcos Jr., 22 porsiyento; Sen. Alan Peter Cayetano, 14 porsiyento; Sen. Antonio Trillanes IV, apat na porsiyento; at Sen. Gregorio Honasan II, isang porsiyento.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Umarangkada sa survey si Escudero, na tumatakbo sa pagka-bise presidente sa ilalim ng Partido Galing at Puso, sa kabila ng mga tinanggap na batikos hinggil sa kanyang kakaibang istilo ng pananalita.

Sinabi ng senador na mas nanaisin nitong batikusin sa kanyang sinasabing “robotic voice” kaysa tawagin siyang magnanakaw, ibobo at piniling huwag bakbakan ang kanyang katunggali dahil hindi niya ito kinaugalian.

Sa halip, mas mahalaga aniya na pagtuunan ng panahon ang mahahalagang isyu na bumabalot sa bansa. 

Tumatakbo si Escudero bilang independent sa ilalim ng “Gobyernong may Puso” na may platapormang rapid and inclusive growth, poverty alleviation, transparency at global competitiveness, kasama si Presidential candidate Sen. Grace Poe.

Batay sa huling resulta ng survey na isinagawa ng Laylo Research Strategies, si Escudero ang pinili ng mga botante bilang “most trusted candidate” sa anim na kandidato sa pagka-bise presidente sa May 9 elections. (Bella Gamotea)