KINUMUSTA si Regine Velasquez-Alcasid ng entertainment press, pagkatapos ng first leg ng kanyang The Regine Series Nationwide Tour sa SM City Bacoor last Sunday, tungkol sa Poor Señorita – ang kanyang romantic-comedy series sa GMA 7 na balitang kung minsan ay natatalo rin nito sa rating ang katapat na programa.
Hindi na ba siya pinipigilan ng anak nila ni Ogie na si Nate, kapag pumupunta siya sa taping?
“Hindi na, nasasanay na rin siya,” nakangiting sagot ni Regine. “Siguro dahil bago pa kami nag-start ng taping, four times a week ako nagti-taping, kinausap ko na siya na I will work na at hindi na kami madalas magkakasama. Ang daddy niya at ang mommy ko ang nag-aalaga sa kanya kapag nasa taping ako. Nakakatuwa na kung minsan siya pa ang nagsasabi ng ‘Mommy, di ba you have work?’ lam niya ‘pag Wednesday, wala akong work.
“Nakakatuwa na at four, nakakaintindi na si Nate, pero kung minsan naninibago pa rin siya. Ayaw ko naman siyang isama sa taping kasi mahirap iyong location namin, ayaw ko siyang magkasakit, siguro kapag nasa mas maganda na kaming lugar.”
Masaya si Regine na mukhang ang ipinaglalaban nila na i-regulate na ang working hours ng mga artista sa sinusunod na ng network.
“Hindi naman ako affected sa number of hours ng work dahil noon pa ay may cut-off na akong hanggang 12:00 midnight lang dahil hindi ko na kayang mag-function beyond that time. Mina-migraine kasi ako kapag lumampas na sa ganoong oras, hindi na ako mapapakinabangan, kaya nagpapasalamat ako sa GMA na binigyan nila ako ng ganoong oras na cut-off. Lalo ngayon, ang hirap-hirap magtrabaho dahil sa sobrang init. Tagaktak talaga ang pawis namin kapag nagti-take.
“Minsan, nalilimutan ko rin ang lines ko dahil sumasakit ang ulo ko sa init ng panahon. Mabuti na rin lamang na casual attire lang ang mga isinusuot ko sa eksena dahil nga poor lang ako, kaya wala akong kung anu-anong accessories na isinusuot.
“Pero kahit ganoon, masaya pa rin kami sa taping, lalo na ako, kasama ko ang limang makukulit na bata, na sa story, iba-iba ang characters, pero kapag off-camera, ang babait nila. Tita na nga ako sa kanila.”
Nagpasalamat din si Regine sa magagandang feedback sa Twitter gabi-gabi ng netizens na sumusubaybay sa kanila at pasasalamat din sa mga kasama niyang artista at kay Direk Dominic Zapata. Napapanood ang Poor Senorita pagkatapos ng 24 Oras. (NORA CALDERON)