KAHIT na nakatapos na ng kursong Mass Communication-Journalism, at kahit na namamasukan na sa iba’t ibang media outfit, patuloy pa ring nagpapakadalubhasa ang mga mamamahayag sa nasabing paksa. Nangangahulugan na hindi pa lubos ang kanilang kaalaman bilang print and broadcast journalists; kailangan pa nilang palawakin ang kanilang mga karanasan sa peryodismo.
Ito ang dahilan kung bakit laging dinadaluhan ng mga masscom student at ng mismong mga practicing journalist ang eight-week lecture series na itinataguyod ng Teodoro F. Valencia Foundation, Inc. (TFVFI) sa media center, sa Rizal Park, Manila. Ang naturang serye ay itinatag sa karangalan ni Ka Doroy, isa sa mga haligi ng peryodismong Pilipino.
Itinuturing na “isang pamantasan sa labas ng pamantasan”, ang TFVFI ay nagsisilbing batis ng mga karanasan; ang mga ito ay binibigyang-buhay ng mga professional lecturer mula sa iba’t ibang peryodiko at himpilan ng radyo at telebisyon. Puspusan ang kanilang pagtalakay sa iba’t ibang larangan ng pamamahayag, tulad ng wastong pagsulat at tamang pagbigkas ng mga salita. Hindi ba hanggang ngayon ay talamak pa rin ang mga kamalian sa ilang pahayagan at maging sa radyo at telebisyon?
Sa nabanggit na lecture series ng TFVFI, laging binibigyang-diin ang tunay na diwa ng ethics in journalism. Sa malayang talakayan, iniisa-isa ang mga paglabag sa itinuturing na bibliya ng mga mamamahayag, kabilang na ang masalimuot na envelopmental journalism, at iba pang katiwalian na kinasasangkutan ng ilang miyembro ng media. Ang naturang paksa ay nakaangkla sa mga ulat na may mga mamamahayag na walang patumangga sa pangungulimbat. Sa ganitong mga pananaw, tandisang iminatuwid ng isang lecturer: Receive but never ask. Hindi ko makita ang lohika sa ganitong pahayag.
Malaking bahagi ng nabanggit na lecture series ang iniuukol sa pagpapahalaga sa kalayaan sa pamamahayag. Isa itong karapatan na itinatadhana sa Konstitusyon; dapat itong maging pamalagiang sandata ng mga mamamahayag sa paglalantad ng mga katotohanan, lalo na ang mga alingasngas sa lipunan at sa gobyerno. Kailangang ito ay lalong paigtingin sa kabila ng “kamatayan” ng FOI (freedom of information) bill. At marapat na ito ay ipagtanggol hanggang kamatayan, katulad ng pinatunayan ng ilang kapatid natin sa media.
Sa anu’t anuman, dapat lamang panatilihin ang TFVFI bilang pamantasan ng karanasan tungo sa pagpapaigting ng integridad at kahusayan sa pamamahayag. (Celo Lagmay)