Kinuwestiyon ni Nationalist People’s Coalition (NPC) senatorial bet Win Gatchalian ang desisyon ng Western Mindanao Command (WesMinCom) na kanselahin ang funeral honors na igagawad sa 18 sundalo ng Philippine Army na napatay sa engkuwentro ng Abu Sayyaf sa Tipo-Tipo, Basilan, kamakailan.
“I share the dismay of the families and comrade-in-arms of the 18 slain Army soldiers who were denied the funeral honors before their remains were sent to their respective homes,” pahayag ni Gatchalian.
Ito ay bilang reaksiyon sa pagkansela ng WesMinCom sa public viewing ng Pacquiao-Bradley fight sa camp gym upang magamit ang lugar sa inilatag na funeral honor at mass vigil para sa 18 napatay na sundalo, subalit ito ay kinansela rin.
Nakasaad sa ulat ng isang pahayagan na nanggaling umano ang kautusan sa Department of National Defense (DND) at sa halip ay idiretso na lamang ang labi ng mga nasawing sundalo sa kani-kanilang lalawigan.
Lumitaw din sa naturang ulat na target din ng mga sundalo ng 44th Infantry Battalion na madakip ang isang high value target sa Tipo-Tipo nang tambangan sila ng mahigit sa 100 Abu Sayyaf fighter.
Labing walong sundalong Army ang napatay sa naturang bakbakan habang mahigit 50 iba pa ang sugatan.
Kinilala naman ng militar ang naturang high value target na si Isnilon Hapilon, na may nakapatong sa ulo na $50 million na alok ng US Rewards for Justice Program.
Si Hapilon ay sinintensiyahan sa District of Columbia dahil sa pagkakasangkot sa mga operasyong terorismo laban sa mga Amerikano at iba pang banyaga.
Hindi naman naiwasan ni Gatchalian na maihambing ang pagkamatay ng 18 Army trooper sa Tipo-Tipo, Basilan, sa pagkakapaslang ng 44 na tauhan ng PNP Special Action Force (SAF) sa Mamasapano, Maguindanao, isang taon na ang nakararaan.
“In the Mamasapano massacre, Malacanang initially refused to recognize the gallantry of the SAF 44 and the Department of Justice even filed administrative and criminal charges against several SAF officers and men before the Office of the Ombudsman,” pahayag ni Gatchalian, kaugnay sa hindi pagsipot ni Pangulong Aquino sa arrival honors sa Villarmor Airbase sa Pasay City.