IBABAHAGI ng Maalaala Mo Kaya ang kuwento ng buhay ng tinaguriang “The Filipino Flash” na si Nonito Donaire, Jr., isang dating biktima ng bullying, ngayong Sabado (Abril 16) ng gabi.
Puno ng paghihirap ang kabataan ni Nonito dahil bukod sa madalas na pangungutya sa kanya sa eskuwela dahil sa pagiging bulilit, binubugbog din siya ng kanyang lolo sa tuwing nagkakamali siya.
Nagpatuloy ang pambu-bully kay Nonito maging sa Amerika, nang dalhin siya at ang kanyang mga kapatid ng kanilang ama roon.
Sa kagustuhan ng kanyang ama, nagsimulang mag-training sa boxing si Nonito sa edad na 11 hanggang sa maging professional boxer siya sa edad na 18. Ngunit nagpasyang tumigil sa pagboboksing si Nonito nang malaman niya na may kalaguyo ang ama. Hindi nagtagal ay bumalik rin siya sa pangungumbinsi ng kanyang ina.
Nagkabati sina Nonito (gagampanan ni Sam Concepcion) at ang kanyang ama pero muling nagkaroon ng hidwaan nang tutulan ng kanyang ama ang relasyon ni Nonito at ni Rachel, ang ang babaeng mapapangasawa niya.
Kasama sa upcoming episode ng MMK sina Kyle Banzon, Ian de Leon, Mickey Ferriols, Claire Ruiz, Ken Anderson, Harvey Bautista, Mitch Naco, Gigi Locsin, Ces Aldaba, Niña Dolino, at Josh Ford. Ang episode ay mula sa panulat ni Benson Logronio at sa direksiyon ni Jerry Lopez Sineneng.