LABIS na ipinagtataka ng marami na madalas ngayon ang pagkakabuhul-buhol ng mga sasakyan bagamat wala namang sakuna sa lugar.
Wala ring tumirik na sasakyan, at lalong walang pesteng political rally o motorcade.
Sa ilang lugar, lalo na sa mga intersection, madalas nagsisikip ang trapiko.
Kung inyong oobserbahan, ang pagbaba at pagsakay ng mga pasahero sa mga panulukan ang karaniwang pinagmumulan ng trapiko.
Bagamat bawal nga, dahil tinaguriang “no loading and unloading zone”, tuloy pa rin ang pagmamatigas ng mga pasahero na bumaba sa naturang lugar.
Kahit gumagapang pa ang jeepney o bus, mistulang mga sundalong tumatalon sa eroplano na naka-parachute mula sa sasakyan.
Nagmamadali, natataranta, para namang mamamatay sila kapag hindi naibaba sa lugar na gusto nilang babaan.
Nakagugulat panoorin ang isang pamilya na nagmamadaling makababa sa jeepney, bitbit ng nanay si baby, at hila-hila ang iba pang supling na may hinahatak na kagamitan.
Dahil sa pagmamadaling makababa, nagkakandahulog ang bote ng gatas, backpack at iba pang kagamitan kasabay ng pagmumura ng ina sa jeepney driver.
“Punyeta ka! Kanina pa ako pumapara!” sigaw ni Nanay habang bumababa sa estribo.
Sa harap ng jeepney, pumipito ang traffic aide at dinuduro ang jeepney driver.
Siyempre, nanginginig sa takot si Mamang Driver dahil tiyak na kotong na naman ang aabutin niya.
Bakit hindi kaya maalis-alis ang masamang asal na ito?
Maging ang ibang pasahero ay tikom ang bibig tuwing may nagwawalang indibidwal na lumagpas nang konti ang sinasakyang jeepney o bus sa nais babaaan.
Minumura ng pasahero, huhulihiin at kikikilan ng traffic aide.
Hilong talilong na tuloy si Mamang Driver.
Bakit hindi tayo makasunod sa batas, tulad sa ibang bansa, upang maisaayos ang trapiko?
Sa ibang bansa, sa mga bus o train stop lang maaaring bumaba o sumakay.
Kapag napadpad ang Pinoy sa mga lugar na ito, pagmasdan n’yo na ‘tila sila mga santo-santito sa pagsunod sa “loading at unloading zone.”
Dahil doon, maliit ang tsansang masusuhulan nila ang mga police at traffic aide.
Bakit hindi natin magawa ito dito sa ‘Pinas?
Ang masaklap dito, nakikita ng ating mga anak ang asal na ito na akala nila ay tama lang gawin sa araw-araw.
Ang mas masaklap pa…ang barumbadong ugali ito ay tatagos sa utak ng ating mga anak at sa susunod na henerasyon.
Ngayon, sino’ng dapat sisihin sa trapiko? (ARIS R. ILAGAN)