BILANG paunang salita, dahil sa martial law, nakunan ang limang buwang sanggol sa sinapupunan ng aking ina. May nakalaan na ring pangalan sa sanggol na ipapangalan sa aming nanay dahil solong babae ang kapatid naming iyon; ang Cebu DYRE Radio Station ng pamilya ay hinainan ng ‘Presidential Commitment Order’ upang dukutin ang transmitter ng himpilan at mawakasan pagbabatingaw ng tinig oposisyon; nahuli rin ako ng dalawang beses, sa magkaibang pagkakataon, ng “illegal assembly” at “distribution of subversive materials” na nag-aanyaya sa publiko sumalubong kay Ninoy Aquino. Kalakip nito ang maraming sakripisyo sa pagkakawalay sa pamilya noong panahong iyon. Subalit ni minsan, hindi sumagi sa aming konsensiya na ipataw sa anak ang ano mang kasalanan ng ama.
May bersikulo sa Bibliya tungkol dito. Ang kamalian at kalabisan ng ama ay hindi pasanin ng kanyang salinlahi. Hinuhusgahan ang bawat tao, batay sa sariling pagkilos.
Katangahan ang pambabatong maituturing, hinggil sa walang katapusang katanungan kung maaaring humingi ng kapatawaran si Sen. Bongbong Marcos para sa kanyang ama. O, panukli sa pamilya ng kanyang ama. Nakaligtaan yata ng mga taong nagpapadala sa kanilang galit – ano ba ang tamang asal sa ilalim ng kulturang Pilipino? ‘Di ba’t ang maggawad ng paggalang sa magulang kahit ano pa sila? Ano ba ang nais madinig ng madling-miron? Ang ilaglag ng anak ang kanyang ama? Kahangalan ang ganitong pag-uusisa na may halong pang-uusig. Nangangahulugan ba, halimbawa, na ang pagiging palpak ni dating Pangulong Cory ay pananagutan rin ng kanyang mga anak? Hindi ba’t ang dapat managot ay ang mismong nagkamali at nagkasala? At kahit, kunwari, humingi pa ng paumanhin si Sen. Marcos, hindi pa rin niya maaaring punuan ang ano mang katiwalian o pang-aabusong naganap sa panahon ng martial law dahil hindi siya ang tagapatnugot.
Nakaligtaan na ng makukulit na tao na si Cory ang tumutol na ibalik ang 90% ng lahat ng yaman noong iwas kitain nito ang kanyang bise president na si Doy Laurel pagkatapos bumalik galing Hawaii. Ito, dahil may mga kamag-anak si Cory na nais baguhin ang porsiyentong ibabalik upang makatikim sa “nakaw na yaman”. Huwag kasi magtuturo sa corruption, human rights violation, at iba pa dahil dalawang “dilaw” na pamahalaan ang mabibistong hubo. (Erik Espina)