SA nakalipas na mga araw, muling lumutang ang usapin ng batas militar sa mga kampanya ng iba’t ibang kandidato sa pagkapresidente at bise presidente. Binatikos si Sen. Ferdinand Marcos, Jr., kandidato sa pagka-bise president, ni Pangulong Aquino dahil sa pagtangging humingi ng paumanhin tungkol sa mga naganap sa panahon ng batas militar na idineklara ng ama ng senador.
Noong nakaraang linggo, nagkomento si Sen. Juan Ponce Enrile sa ipinangako ni Davao Mayor Rodrigo Duterte sa kampanya nito na lilipulin ng alkalde ang ilegal na droga at iba pang krimen sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan, sinabing hindi niya nakikitang posible ito nang hindi magdedeklara ng batas militar. Sinegundahan si Enrile ni Vice President Jejomar Binay na nagbabala laban sa extra-judicial killings sa ilalim ng rehimen ng batas militar.
Tumugon naman ang kampo ni Duterte sa pagsasabing hindi na kailangan pa ng alkalde na magdeklara ng batas militar.
“Kailangan lang niyang ipatupad ang batas, pakilusin ang enforcement agencies upang gawin ang trabaho nila, paganahin ang judicial at penal system to work, at hikayating makipagtulungan ang komunidad,” sabi ng tagapagsalita ni Duterte.
Nang ipatupad ni Pangulong Ferdinand Marcos ang batas militar noong 1972, upang pigilan, aniya, ang mga Komunista sa pagkubkob sa bansa, ipinasara niya ang Kongreso ng Pilipinas at nagpalabas ng mga presidential decree bilang kapalit ng mga batas na dapat na pinagtibay ng Kongreso. Sinolo niya ang pangangasiwa sa gobyerno, sa tulong ng mg tapat na naglilingkod sa kanya.
Walang pumapalag sa mga lider-pulitiko, naisagawa ang kabi-kabilang pag-abuso. Libu-libo, kabilang ang mga kritikong mamamahayag, ang dinakip at ilang buwang ikinulong sa mga bilangguan sa bansa. Makalipas ang siyam na taon, opisyal nang binawi ang batas militar noong 1981, ngunit nagpatuloy ang mga panggigipit sa ilalim ng inilarawan ng Pangulo na gobyernong “authoritarian”, hanggang sa magtagumpay ang EDSA People Power Revolution noong 1986.
Mahalagang personalidad sa panahon ng batas militar si Enrile noong siya ay nagsilbing defense minister, habang nasa kabilang panig si Binay bilang abogadong nagsusulong ng karapatang pantao at nagtatanggol sa mga naaresto noong batas militar. Alam nila, higit kanino man, ang tungkol sa batas militar at kung ano ang maaari nitong gawin. Kaya naman kapwa sila nagpahayag ng pangamba na ang isang determinadong pinuno na gaya ni Duterte ay posible, sakali mang manalo siya, na magpatupad ng kapangyarihang authoritarian na gaya ng ginawa ni Pangulong Marcos.
Ang lahat ng usap-usapang ito tungkol sa batas militar ay lumutang sa kasagsagan ng kampanyahan para sa eleksiyon at maaaring ipagkibit-balikat lang bilang isang pambobola sa halalan. Sinabi ng tagapagsalita ni Duterte na hindi na kailangan ang batas militar; ang kailangan lamang ay ang gawin ng mga opisyal ng gobyerno ang kanilang trabaho.
Ideyal na hilingin ang isang ito, ngunit gaya ng lahat ng ideyal, maaari itong durugin ng realidad.
Dapat na magdesisyon ang mga botante ng bansa sa eleksiyon kung pakikinggan nila ang babala nina Enrile at Binay. O tatanggapin ang pagtiyak ng tagapagsalita ni Duterte na maisasakatuparan ang pinapangarap ng lahat nang hindi na kailangan pa ang batas militar dahil ang buong gobyerno—ang sistema ng pagpapatupad ng batas, hudikatura, at pagpaparusa—kaisa ang komunidad ay makikipagtulungan sa kampanya ni Duterte sa paglipol sa kriminalidad sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan.