Agad sinibak sa serbisyo ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Joel D. Pagdilao ang tatlong tauhan ng Philippine National Police (PNP) na umano’y sangkot sa pagdukot ay pagpatay sa negosyanteng si Adora Lazatin.
Nabatid kay Pagdilao na agad na nag-imbestiga ang NCRPO laban kina Insp. Eljie Jacobe, PO1 Mark Jay Delos Santos, kapwa nakatalaga sa NCRPO-Regional Public Safety Battalion (RPSB); at PO1 Edmon Gonzales, ng Regional Personnel Holding and Accounting Unit (RPHAU) kaugnay ng grave misconduct (serious violation of the law, kidnapping with serious illegal detention and murder) for subsequent summary dismissal proceedings.
“Wala po tayong kikilingan sa imbestigasyon at titiyakin po natin na mabibigyan ng agarang hustisya ang biktima, at tinitiyak kong mananagot ang mga may sala dahil walang lugar sa PNP ang mga pulis na A.N.A.Y. (Abusado, Nangungurakot, Ayaw magpadisiplina at Yumuyurak Sa Magandang Imahe Ng Pulisya),” ani Pagdilao.
Binigyang-diin ng NCRPO na magsisilbi itong babala at panawagan sa lahat ng mga pulis na maging tapat sa kanilang sinumpaang tungkulin at iwasang masangkot sa krimen at mga ilegal na aktibidad. (JUN FABON)