NAkatutuwang mabatid na dahil sa kahabag-habag na kalagayan ng ilang senior citizens at PWDs (persons with disabilities), hindi kumukupas ang pagpapahalaga sa kanila ng iba’t ibang sektor ng sambayanan, lalo na ng kani-kanilang mga kaanak; lalong tumitindi ang pagpapadama sa kanila ng habag at malasakit na laging may kaakibat na pag-unawa.
Totoo, may pagkakataon na ang naturang grupo ng mga nakatatandang mamamayan at may kapansanan ay nagiging makulit, wika nga. Mainitin ang ulo at hindi na makatuwiran ang mga ikinikilos – mga pangyayari na hindi naman nagugustuhan ng taong dapat ay nangangalaga sa kanilang kapakanan.
Maliwanag na ito ang dahilan kung bakit ang ilang sektor ng LGUs (local government units) ay bumalangkas ng mga programa upang magtalaga ng mga caregiver na mangangalaga sa senior citizens at PWDs. Maging ang ilang mambabatas ay nagsusulong na rin ng mga panukalang batas na magtatakda ng parusa sa mga magpapabaya sa nasabing grupo ng mga mamamayan.
Sa bill na inihain sa Kamara, binigyang-diin ng mga mambabatas na ang pangangalaga at karapatan ng mga senior citizen at PWD ay itinatadhana ng Konstitusyon. Marapat na sila ay laging inaasikaso ng mga caregiver na magmumula sa kanilang pamilya: titiyakin na maipagkakaloob sa kanila ang mga pangangailangan na tulad ng pagkain, nutrisyon at pagpapainom ng mga gamot. At titiyakin na hindi malalagay sa panganib ang kanilang kalusugan.
Ang sinumang lalabag sa naturang bill, kung ito ay maisasabatas na, ay papatawan ng parusang mula isa hanggang limang taong pagkakakulong at multang hindi bababa sa P10,000 subalit hindi hihigit sa P100,000.
Bukod sa mga pangangalaga na ipagkakaloob sa mga senior citizen at PWD, totoo na sila ay nagtatamasa na rin ng mga biyayang dapat lamang ipagkaloob sa kanila ng gobyerno. Kabilang na nga rito ang mga diskuwento sa binibili nilang mga gamot at pagkain; kaakibat ito ng iba pang pribilehiyo sa transportasyon, medical check-up at iba pa.
Dapat lamang nilang matamasa ang ganitong mga biyaya sapagkat minsan din naman silang naging dangal ng lipunan, lalo na sa mga kaunlarang pambansa.
Ang tandisang pagpapabaya sa kanilang kapakanan ay isang gawaing walang pangalawa sa kasamaan at isang malaking kawalan ng utang na loob. (Celo Lagmay)