Nakipagsabayan si Pinay cyclist Marella Salamat sa huling ratsadahan, ngunit kinapos sa podium finish sa final stage ng The Princess Maha Chackri Sirindhopn Cup nitong weekend sa Bangkok, Thailand.

Pang-apat lamang sa finish line si Salamat, bronze medalist sa nakalipas na World Cycling Festival, sapat para makopo ang ikawalong puwesto sa overall individual standing.

Tangan ni Salamat, 2015 Singapore Southeast Asian Games gold medalist, ang ika-47 puwesto sa mga naunang race at nagawang makababa sa top 10 sa three-stage 2.2-rated Union Cycliste Internationale race nang pumang-apat sa Stage Three race mula Nong Khai hanggang Udon Thani.

Tatlong segundo lamang ang layo ni Salamat sa general classification champion na si Yang Qianyu ng Hong Kong, bahagi ng tatlo kataong lead pack papasok sa finish line para sa tiyempong isang oras, 47 minuto at 18 segundo.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nailista ni Yang ang kabuuang oras na 7:00:27, may 13 segundo ang layo.

“Talagang kinaya ko nang tapusin nang sabayan. Malalakas ang kalaban kaya nahahawa rin ako sa ratsadahan,” pahayag ni Salamat.

Nakopo ni Salamat ang bronze medal sa World University Cycling Championship sa Tagaytay City sa likod nina Romy Kasper ng Germany at Nikol Plofaj ng Poland.