Iimbestigahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang naiulat na panghahalay ng isang taxi driver at dalawa nitong kakutsaba sa babaeng pasahero ng una sa loob ng sasakyan sa Quezon City, nitong Lunes ng gabi.
Napag-alaman kay LTFRB Board Member Ariel Inton na nakausap na niya ang may-ari ng taxi unit na Legacy Transport Corp. na may plakang AAP 7886 tungkol sa reklamo ng isang babaeng pasahero na biktima umano ng rape.
Base sa ulat, sumakay ang 25-anyos na babae sa isang lugar sa Quezon City papuntang Mandaluyong City nitong Lunes ng gabi ngunit sa halip na ihatid ito sa destinasyon ay dinala ang biktima sa Antipolo City, Rizal.
Doon umano nagpaikot-ikot ang taxi habang ginagahasa ang pasahero ng isang lalaki na biglang lumabas sa compartment ng sasakyan.
Nagsalit-salitan ang taxi driver at kasamahan nito sa panggagahasa sa biktima.
Bagamat tuliro na, naplakahan pa rin ng biktima ang sasakyan kaya humingi siya ng tulong sa awtoridad matapos ang insidente.
Umaasa si Inton na matutukoy ang pagkakilanlan ng rapist na taxi driver sa pakikipagtulungan na rin ng operator nito. (Jun Fabon)