Tiniyak ng presidential bet na si Senator Grace Poe na mananagot ang mga kagawad ng pulisya at mga opisyal ng barangay na hindi kayang sugpuin ang krimen, lalo na ang ilegal na droga, sa kanilang nasasakupan.

Aniya, ito ang isa sa kanyang ipatutupad para matiyak na ligtas ang mga pamilya at masugpo na rin ang krimen.

“…Sisiguraduhin ko na ligtas (ang inyong pamilya) sapagkat kung ang isang barangay ay hindi tumino, papalitan ko ang mga pulis na nakatalaga doon at ang mismong barangay captain ay aking papanagutin,” sabi ni Poe, bilang pagkilala na ang laban sa krimen ay dapat magsimula sa mga komunidad.

Aniya, hindi tugon sa krimen ang “karahasan” gaya ng gustong mangyari ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte, bagkus, ang isang matinong pagpapairal sa sistema ng hustisya ay ang pagkakapantay-pantay ng lahat, at ang mga may kasalanan ay maparurusahan.

'Walang matitira, ubos sila!' Netizens napa-react na i-firing squad mga korap

Sinabi pa ni Poe na magiging seryoso ang kanyang kampanya lalo dahil dumadami ang mga pulis na nasasangkot sa krimen.

“Katarungan ang kailangan natin; katarungan na may pagkain ang bawat pamilya…katarungan na mapagkakatiwalaan n’yo ang mga namumuno, katarungan na ligtas ang mamamayan saan man kayo magpunta,”dagdag pa ni Poe.

Ipinaabot din ni Poe ang kanyang pakikiramay sa pamilya ng negosyanteng si Adora Lazatin, ng Las Piñas City, na ang bangkay ay nakitang nakalagay sa loob ng isang plastic drum at pinalutang sa Pasig River noong isang linggo.

Sinabi ni Poe na dagdag sa galit at pagkadismaya ng mamamayan ay ang katotohanan na tatlo sa limang suspek na nadampot ng National Bureau of Investigation (NBI) ay mga aktibong miyembro ng Philippine National Police (PNP), na nasa ilalim ng Department of Interior and Local Government (DILG); at ang dalawa pa ay mula naman sa Bureau of Corrections (BuCor) na nasa ilalim naman ng Department of Justice (DoJ). (LEONEL ABASOLA)