Nagbabala si Philippine Ambassador to Washington Jose Cuisia Jr. kahapon na ang anumang hakbang ng China para gawing isla ang pinagtatalunang shoal, kung saan kamakailan ay naispatan ng U.S. Navy ang survey ship ng mga Chinese, ay magpapalala sa iringan sa West Philippine Sea (South China Sea) at hiniling sa Washington na kumbinsihin ang Beijing na huwag gumawa ng “very provocative” na hakbang.

Sa news conference sa Manila, binanggit ni Cuisia ang ulat ng isang senior official ng U.S. Navy na namatahan nila ang Chinese survey ship sa Scarborough Shoal ilang linggo na ang nakalipas at nagpahayag ng pagkabahala sa presensiya nito sa pinagtatalunang lugar.

Siniyasat ng Philippine military ang lugar ngunit walang nakita, marahil ay nakaalis na ang barkong Chinese sa shoal, ani Cuisia.

Pitong bahura sa Spratlys sa West Philippines Sea ang ginawang isla ng China, na ikinaaalarma ng Asian at Western governments. Iginiit ng Beijing na pag-aari nito ang Spratlys, na tinatawag nitong Nansha Islands, at mayroong karapatan na magsagawa ng mga konstruksiyon doon.

National

Sen. Bong Go, pinakiusapan si Sen. Imee na pagkasunduin muli sina PBBM, VP Sara

Ang pagkakakita ng U.S. Navy sa survey ship sa Scarborough, isang mayamang pangisdaan na may 230 kilometro ang layo mula sa kanluran ng Pilipinas, ay nagpapalakas sa hinalang sunod na tinatarget ng island-making spree ng China ang malawak na atoll, ani Cuisia.

“That I think will be very provocative if they will build on Scarborough Shoal,” sinabi ni Cuisia, idinagdag na ang ganitong hakbang “will further escalate the tensions and the conflict.’’

Walang kakayahan ang Pilipinas na pigilan ang China sa pagtatayo ng isla sa shoal, kung saan hinaharang ng mga barko ng Chinese coast guard ang mga mangingisdang Pinoy, ayon kay Cuisia. “We hope that the U.S. and other countries ... would convince China not to proceed with that,’’ aniya.

Sinabi ni Cuisia na kasama siya sa mga bumuo ng kasunduang inayos ng U.S. State Department para sabay na iurong ng China at Pilipinas ang kanilang mga barko mula sa Scarborough upang maiwasan ang posibleng banggaan sa standoff noong 2012.

Hindi tumupad ang China sa kasunduan at tumangging iurong ang kanilang mga barko matapos umalis ang mga barko ng Pilipinas at ngayon ay itinatanggi ang nasabing kasunduan.

“We were shortchanged,” ani Cuisia. (AP)