Mga laro ngayon

(San Juan Arena)

2 n.h. -- Adamson vs.UE

4 n.h. -- NU vs. De La Salle

After 28 years: Thomasian student, naka-gintong medalya sa World Taekwondo Junior Championship

Makapuwersa ng playoff para sa huling semifinal berth ang tatangkain ng National University sa kanilang pagtutuos ng De La Salle sa tampok na laro ngayong hapon sa pagtatapos ng eliminations ng UAAP Season 78 volleyball tournament sa San Juan Arena.

Sasabak ang Lady Bulldogs sa unang do-or-die game laban sa matikas na La Salle Spikers ganap na alas-4 ng hapon.

Wala nang halaga sa La Salle ang laro dahil sigurado na sila sa twice-to-beat bilang No.2 team sa Final Four playoff, ngunit kilalang hindi nagbibigay ng laro ang Lady Spikers.

Magtutuos naman sa “no bearing match” ang kapwa sibak ng Adamson at University of the East sa ganap na 2:00 ng hapon.

Sakaling manaig sa Lady Spikers, maipupuwersa ng Lady Bulldogs ang playoff para sa No.4 spot kontra sa University of the Philippines Lady Maroons.

“Basta magawa lang namin lahat yung mga ginawa namin sa practice, malaki ang chance namin lalo na sa defense,” pahayag ni NU coach Roger Gorayeb.

Ngunit, inaasahan na ni Gorayeb na hindi magiging madali ang lahat lalo pa’t kagagaling lamang ng La Salle sa kabiguan sa kamay ng karibal na Ateneo.

“Siyempre gusto nilang bumawi kaya dapat kaming maging handa,” dagdag pa ni Gorayeb.

Sasandigan ni Gorayeb upang pamunuan ang kanilang misyon sina Jaja Santiago at Myla Pablo kasama ang setter na si Rica Diolan at libero Gayle Valdez.

Sa kabilang dako, inaasahan namang mamumuno para sa pagbangon na gagawin ng Lady Spikers sina Ara Galang, Cyd Demecillo, Joy Baron, setter Kim Fajardo at Mika Reyes. (Marivic Awitan)