BOSTON (AP) — Mula sa New York, naging matatag ang “Linsanity” sa kampo ng Charlotte Hornets.

Ratsada si Jeremy Lin sa 25 puntos, kabilang ang 19 sa final period para sandigan ang panalo ng Hornets kontra Boston Celtics, 114-100, Lunes ng gabi (Martes sa Manila).

Nag-ambag si Kemba Walker ng 18 puntos, habang tumipa sina Al Jefferson at Marvin Williams na kumubra ng tig-16 puntos.

Nakikipagbuno ang Hornets sa Boston at Miami para sa huling dalawang playoff berth sa Eastern Conference.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nanguna sina Isaiah Thomas at Avery Bradley sa Boston na may tig-17 puntos.

CAVS 109, HAWKS 94

Sa Cleveland, hataw si LeBron James sa 34 na puntos, habang kumana si Kyrie Irving ng 35 puntos sa panalo ng Cleveland Cavaliers kontra Atlanta Hawks at angkinin ang No.1 spot sa Eastern Conference playoff.

Naitala ni James ang 13 of 16, kabilang ang perpektong limang free throw at anim na rebound at anim na steal at anim na assist.

MAVERICKS 101, JAZZ 92

Sa Salt lake City, nakuha ng Dallas Mavericks ang No.7 spot sa Western Conference matapos biguin ang Utah Jazz.

Nanguna si Dirk Nowitzki sa 22 puntos.

Bagsak ang Utah sa 40-41 marka at kakailanganin ng Jazz na talunin ang Lakers sa Miyerkules (Huwebes sa Manila) at manalangin na matalo ang Houston Rockets (40-41) sa Sacramento Kings. Tangan ng Rockets ang tiebreaker sakaling magtabla sa Jazz.

ROCKETS 129, TIMBERWOLVES 105

Sa Minneapolis, pinatibay ng Houston Rockets ang kampanya para sa No.8 spot sa West playoff nang magwagi kontra TimberWolves.

Nagsalansan si James Harden ng 34 na puntos, habang tumipa si Dwight Howard ng 19 na puntos at walong rebound at kumubra si Trevor Ariza ng 21 puntos.

Sa iba pang laro, ginapi ng Washington Wizards ang Brooklyn Nets, 120-111; tinambakan ng Oklahoma City Thunder ang Los Angeles Lakers, 112-79; namayani ang Orlando Magic sa Milwaukee Bucks, 107-98; pinababa ng Sacramento Kings ang Phoenix Suns, 105-101; sinuwag ng Chicago Bulls ang New Orleans Pelicans 121-116.