Hinimok ng mga awtoridad ang publiko na huwag tangkilikin ang mga puslit at pekeng sigarilyo dahil bukod sa hindi nagbabayad ng buwis, ang laman o sangkap na ginamit sa paggawa ng mga produktong ito ay maaaring mapanganib sa kalusugan ng tao.

Sa gitna ng mga alegasyon ng pagkalat ng mga puslit na pekeng sigarilyo sa Mindanao, sinabi ng Bureau of Customs (BoC) at Philippine National Police (PNP) na ang sinumang nag-iingat ng mga produktong ito ay maaaring makasuhan ng paglabag sa mga batas ng bansa.

Ang pag-iingat ng mga puslit at pekeng sigarilyo ay paglabag sa Unfair Competition Act, Consumer Protection Act at National Internal Revenue Code.

Pinaalalahanan rin ng PNP at BoC ang mga retailer at sari-sari store na sa mga official sales agent ng government-registered tobacco companies lamang kumuha ng kanilang mga paninda.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayon sa mga awtoridad, ginagamit ng mga smuggler ang Southern backdoor sa Mindanao upang maipasok ang mga kontrabando at mga pekeng sigarilyo mula China, Indonesia, Malaysia at Cambodia.

“Retailers involved in the sales of smuggled or counterfeit cigarettes will be held liable for tax violations and subject to criminal prosecution,” ayon sa law enforcement authorities.

Sinabi ng pulisya at ng customs na ang smuggled brands ay hayagang ipinagbibili sa maraming tindahan sa Lanao del Sur, Lanao del Norte, Bukidnon, Iligan, Misamis Occidental, Zamboanga Peninsula at Cotabato region.

Kumakalat din ang mga pekeng sigarilyo na ito sa Puerto Princesa City.

Murang ipinagbibili ang bawat pakete sa halagang P18 hanggang P20, na hindi pa umabot sa excise tax sa sigarilyo na nasa P25 bawat pakete. (Chino Leyco)