MAGLULUNSAD ngayong linggo ang mga pangunahing climate scientist sa mundo ng isang pag-aaral kung paano lilimitahan sa 1.5 degrees Celsius (2.7 Fahrenheit) ang pag-iinit ng planeta, bagamat karamihan sa kanila ay nagpahayag ng duda na kakayanin pang maabot ang nasabing antas.

Ang average surface temperature ng mundo ay umabot sa 1C (1.8F) above pre-industrial times noong 2015, nang naitala sa kasaysayan ang pinakamainit na taon. Tataas ito sa 3C (3.6F) o higit pa pagsapit ng 2100 kung magpapatuloy ang trend, ayon sa maraming pagtaya.

Sa climate summit sa Paris noong Disyembre na dinaluhan ng 195 bansa, hiniling sa Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC) ng United Nations ang isang ulat para sa 2018 tungkol sa paglilimita sa pag-iinit ng planeta sa 1.5C lamang. Sinimulan ng IPCC ang tatlong-araw na pulong sa Nairobi nitong Lunes upang tukuyin kung paano ito maisasakatuparan.

“Do we know how? No. It is definitely a moon shot,” sinabi ni Christiana Figueres, ang climate chief ng United Nations, sa isang komperensiya sa London nitong Lunes.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Nagtakda ang Paris ng target para limitahan ang average surface temperatures sa “well below” 2C habang “pursuing efforts” para sa 1.5C. Ayon sa mga dokumento na inihanda para sa pulong sa Nairobi, masyadong malabo ang siyentipikong pagtukoy sa realidad ng 1.5C.

Maraming siyentista ang hindi nakatuon sa target na 1.5C, dahil mangangahulugan umano ito ng hindi makatotohanang pagbabawas sa greenhouse gas emissions. Ayon sa mga eksperto, makatutupad ang IPCC sa hiling ng Paris—nang may pagdududa.

“I don’t see how they can say ‘No’,” sinabi ni David Victor, propesor sa pandaigdigang ugnayan sa University of California, San Diego, sa Reuters. “But I don’t see how they say ‘Yes’ with a straight face.”

Ayon sa ilang pag-aaral ng IPCC, posible ang 1.5C kung lilikha ang mundo ng hindi magastos na mga teknolohiya hanggang sa huling bahagi ng siglong ito upang masipsip ang greenhouse gases mula sa atmospera.

Maraming mahirap na bansa, na pinangangambahan ang mabilis na pagkatunaw ng niyebe na magpapataas sa karagatan at lalamon sa kani-kanilang bansa, ang nangangampanya ng “1.5 to stay alive”.

“My concern is that the 2018 report may have lots of information about how hard it will be to achieve 1.5C, and relatively little about the benefits,” sinabi ni Myles Allen, propesor sa Oxford University, sa Reuters.

Aniya, nais ng mga bansang pinakamasigasig sa pagsusulong ng limitasyong 1.5C, kabilang ang maliliit na estadong isla ng Marshall Islands o Maldives, na bigyang-diin ang bentahe nito. (Reuters)