NASA Malolos, Bulacan kami last weekend para sa opening ng paklase ng Kabisig ni Kristo Cursillo Foundation na pinamunuan ni Bro. Oscar Simbulan, Jr. na isa kami sa vice-rector ng class 107.

Nakakuwentuhan namin ang driver ng nasakyan naming tricycle na naghatid sa amin mula sa highway at patungong Kabisig ni Kristo cursillo house sa Brgy. Niugan.

Ayon sa trike driver napakainit daw ng labanan ngayon sa pagka-bise gobernador ng kanilang probinsiya. Pukpukan daw ang banggaan ng kasalukuyang bise gobernador na si Daniel Fernando at ng kapwa aktor na si Philip Salvador.

“Ang bentahe lang siguro ni Daniel, eh, sila ang nakaupo pero sa totoo lang, lumalakas din si Philip. Dikitan ang laban,” sey niya sa amin.

Tsika at Intriga

'Unbothered?' Karen Davila, nag-flex ng larawan kasama ang pamilya Laude

Kuwento pa ng aming kausap, parehong masipag sa pangangampanya ang dalawa. Hindi raw nagpapatalo si Philip na bahay-bahay ang dinadalaw at nakikipagkamay sa lahat ng nakakasalubong.

Napupuna rin niya na talagang sinusugod ng mga botante, lalo na ng kababaihan, ang campaign rally ng dalawa.

“Kung pagbabasehan lang ang mga tili at palakpak, eh, wala namang itulak-kabigin kina Philip at Vice Gov. Daniel.

Pero sa totoo lang, eh, hindi naman ‘yun ang basehan para manalo, di ba? Basta ang alam ko, eh, parehong malakas ang dalawa at ang maganda lang, eh, hindi sila nagsisiraan,” sey pa ng kakuwentuhan namin.

Samantala, bukod kina Daniel at Philip, panay din ang pangangampanya ng komedyanteng si Long Mejia na kumandidato rin pala bilang board member ng Bulacan, huh! (Jimi Escala)