SIMULA 2011 hanggang 2013, tinaglay ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang kuwestiyonableng titulo na “Worst Airport in Asia” sa isang survey sa mga biyahero batay sa kani-kanilang karanasan sa mga paliparan sa iba’t ibang panig ng mundo. Tinukoy ng mga pasahero ang hindi maayos na serbisyo, mahahabang pila, palpak na shuttle service sa pagitan ng mga terminal, kawalan ng sapat na palikuran, at matataong seating area. Nagsagawa na ng mga rehabilitasyon sa pasilidad sa nakalipas na mga taon, kaya naman noong 2015, ang titulo bilang pinakamasamang paliparan sa buong Asya ay napunta sa Islamabad Benazir Bhutto International Airport sa Pakistan.
Gayunman, ang taong 2015 ay nananatiling hindi masuwerte para sa NAIA, dahil noong nakaraang taon nabunyag ang racket sa “tanim-bala” na nagbunsod upang baluting maigi ng plastic ng mga pasahero ang kani-kanilang bagahe upang hindi malagyan ng bala, dahil maaari silang kasuhan ng ilegal na pag-iingat ng bala. At dalawang linggo lang ang nakalipas, limang oras na naparalisa ang operasyon ng NAIA Terminal 3 dahil sa kawalan ng supply ng kuryente na nagdulot naman ng malawakang pagkansela ng mga biyahe at libu-libong pasahero ang na-stranded.
Sa loob ng maraming taon, ilang administrasyon na ang nagsikap na masolusyunan ang problema sa pagsisikip ng NAIA, na limitado ang mga paparating at papaalis na biyahe dahil na rin sa maliit nitong espasyo. Dalawa lamang ang runway nito, na magkatapat pa, kaya hindi maaaring gamitin nang sabay. Napaulat noon ang planong pagtatayo ng bagong paliparan sa Cavite, Bulacan, o Laguna, o sa nabawing lupain sa Manila Bay, ngunit hindi naisakatuparan ang alinman sa mga ito.
Ang pinakamainam na alternatibo sa lahat ng panukalang ito para sa pagtatayo ng isa pang paliparan malapit sa Metro Manila ay ang Clark sa Pampanga, na nagsilbing tahanan ng 13th Air Force ng United States sa loob ng maraming taon, hanggang sa isuko na ng Amerika ang lahat ng base militar nito sa Pilipinas noong 1991 matapos na bumoto ang Senado ng Pilipinas upang tutulan ang isang bagong tratado para sa Subic Bay Naval Station. May plano para sa isang high-speed train na mag-uugnay sa Clark sa Metro Manila sa panahon ng administrasyong Arroyo at noong 2014, umapela si Pangulong Aquino para sa isang feasibility study sa nasabing train.
Magtatapos na ang administrasyong Aquino nang hindi pa naaaksiyunan ang panukalang ito sa Clark. Samantala, patuloy na namamayagpag ang mga problema sa NAIA. Habang umaasa si Secretary Mar Roxas na ipagpapatuloy niya ang mga pangunahing programa ni Pangulong Aquino, sinabi niyang kung siya ay mahahalal bilang susunod na presidente ay sasagarin niya ang paggamit sa Clark at gagawin ito bilang pangunahing paliparan ng bansa.
Tinukoy niya ang mga kalakasan at posibilidad na ihahatid ng paliparan. Mayroon itong dalawang dambuhalang runway na itinayo ng mga Amerikano para sa US Space Shuttle sakali man na kailanganin nitong lumapag sa Pilipinas—kumpara sa dalawang magkatapat na runway ng NAIA. Mayroon din itong 4,000 ektaryang espasyo—kumpara sa 400 ng NAIA. At dahil nasa pusod ito ng Central Luzon, inaasahang magbubukas ito ng napakalaking potensiyal para sa pag-unlad na kalaunan ay magpapaluwag sa Metro Manila.
Pinakamainam kung lahat ng kandidato sa pagkapangulo ay ikokonsidera ang proyekto sa Clark at gawin itong bahagi ng mga panukalang programa ng gobyerno. Ang hindi nauubos at paulit-ulit na problema sa NAIA, partikular na sa limitadong mga biyahe, ay maaaring epektibong masolusyunan ng paggamit sa mga nakatayo nang pasilidad ng Clark upang pagdating ng panahon ay maging pangunahing paliparan ng bansa ito.