Isinailalim na sa state of calamity ang buong probinsiya ng Cebu dahil sa matinding epekto ng tagtuyot na dulot ng El Niño phenomenon.
Sa regular session nitong Lunes, inaprubahan ng Cebu Provincial Board ang isang resolusyon na nagdedeklara ng state of calamity sa buong lalawigan, upang pahintulutan ang kapitolyo na gamitin ang P33-milyon calamity fund nito ngayong taon.
Ginawa ang deklarasyon ilang araw makaraang magdeklara ang pamahalaang lungsod ng Cebu ng state of emergency dahil sa kakapusan sa supply ng tubig. Ilang siyudad at bayan na rin sa Cebu ang nasa state of calamity dahil sa matinding epekto ng tagtuyot sa supply ng tubig sa lalawigan.
Ipinasa rin ng Sangguniang Panglalawigan ang isa pang resolusyon na humihiling na ayudahan ang mga magsasaka, partikular ang nasa kabundukang mga barangay sa ikatlong distrito, kaugnay ng kakapusan sa tubig.
Iginiit din ni Bokal Alex Binghay, chairman ng Committee on Agriculture and Livelihood, na bigyan ng pamahalaang panglalawigan ng subsidiya sa bigas ang mga magsasaka, at magkaloob ng mga kinakailangan ng water hose at plastic container drum para sa pag-iimbak ng tubig.
Kasabay nito, halos umiyak na sa hirap na dinaranas ang mga ordinaryong mamamayan at mga negosyong sineserbisyuhan ng Davao Light and Power Company (DLPC) dahil sa hanggang limang-oras na brownout sa Davao City.
“El Niño pa gyud. Igang sa gabii. Dili mi katulog kay walay kuryente dili namo magamit ang among electric fan (El Niño pa rin. Sobrang init sa gabi. Hindi kami makatulog, dahil hindi namin magamit ang electric fan),” reklamo ni Esther, maybahay at ina ng dalawang bata, na residente sa siyudad.
Nagrereklamo na rin ang maraming negosyante, partikular ang nakasalalay sa kuryente—gaya ng mga Internet café, restaurant, at maging ang mga sari-sari store.
“Hindi ko naman kayang bumili ng generator set,” himutok ng isang may-ari ng Internet café na ayaw magpabanggit ng pangalan. Kuwento niya, nag-alisan ang lahat ng kanyang kostumer nang magsimula ang brownout ng 8:00, pero hindi na nagsibalik ang mga ito kahit nagbalik na ang serbisyo ng kuryente ng 1:00 ng hapon.
Sinabi ni Davao City Chamber of Commerce and Industry (DCCCI) President Bonifacio Tan na inaalam pa nila ang epekto ng rotating brownout sa mga negosyo sa lungsod, dahil tiyak aniyang malaki ang nagiging epekto nito sa iba’t ibang industriya sa rehiyon.
Sa isang pahayag, sinabi ng DLPC na patuloy na nababawasan ang alokasyon mula sa National Power Corporation (Napocor) dahil sa bumababang level ng tubig sa mga pangunahing hydro plant, dahil sa El Niño.