Vince Neil

KINASUHAN ang Mötley Crüe singer na si Vince Neil ng pananakit dahil sa pagsabunot sa isang babae na nagpapa-autograph kay Nicolas Cage sa isang hotel sa Las Vegas, ayon sa pulisya.

Sa cell phone video na naka-post sa celebrity website na TMZ, nakita si Nicolas na sinunggaban sa leeg si Vince para mapigilan ito habang sumisigaw ng, “Stop this.” Hindi nakita sa video ang ginawa ni Neil sa babae.

Hindi malinaw kung ano ang ginagawa sa hotel ng Oscar-winner na si Nicolas at ng dating chart-topping singer.

Tsika at Intriga

'Magkagalit sila?' Dennis, Ruru 'di raw nagpansinan sa set ng 'Green Bones'

Ngunit iniulat ng New York Daily News na ilang beses nang nakuhanan ng litrato ang dalawa na magkasama nitong mga nakaraang taon.

Sa insidente nitong Abril 7, sinabi ng babae sa pulisya na humihingi siya ng autograph ng bida ng National Treasure at Leaving Las Vegas nang bigla siyang lapitan ni Vince mula sa likuran at sinabunutan siya, ayon sa tagapagsalita ng pulisya na si Michael Rodriguez.

Hindi pinangalanan ni Rodriguez ang babae.

Kinasuhan ng mga pulis na nagresponde sa hotel si Vince ng misdemeanor battery, ngunit hindi siya inaresto, ayon kay Rodriguez. Kung mapatutunayang nagkasala, nahaharap si Vince sa maximum sentence na anim na buwang pagkakakulong, dagdag ni Rodriguez.

Ang 55-anyos na rock star, na nagpasikat ng mga awiting Girls, Girls, Girls at Dr. Feelgood noong 1980s, ay ilang beses nang nakasuhan sa Las Vegas. Pinaniniwalaang may bahay siya sa naturang siyudad.

Dinakip at nahatulan siya noong 2010 sa pagmamaneho nang lasing at nang sumunod na taon ay kinasuhan ng battery at disorderly conduct nang ireklamo sa panununtok sa kanyang dating nobya sa loob ng isang sinehan.

Kalaunan, inamin niya ang disorderly conduct at nabasura ang kasong pananakit, ayon sa Clark County District Attorney’s Office. Nagpiyansa siya ng $1,000 at nakaiwas sa pagkakakulong, ayon sa media reports.

Tumanggi namang magkomento sa usapin ang mga kinatawan nina Nicolas at Vince. - Reuters