Charlize Theron (AFP)

LOS ANGELES (AFP) – Ang Star Wars: The Force Awakens ang big winner sa MTV Movie Awards nitong Linggo, nasungkit ang best film at breakthrough performance para sa bida nitong si Daisy Ridley.

Napanalunan din ng pelikula ang best villain para sa pagganap ni Adam Driver bilang Kylo Ren, bagamat nabigo si Daisy sa best hero category na iniuwi naman ni Jennifer Lawrence, para sa pagganap nito sa huling pelikulang Hunger Games, ang Mockingjay Part Two.

Si Leonardo DiCaprio ang nanalo ng best male performance para sa The Revenant, ang epic tale ni Alejandro Gonzalez Inarritu tungkol sa survival at paghihiganti, na nagbigay ng Oscars sa dalawa noong Pebrero.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Best female performer naman si Charlize Theron para sa kanyang pagganap bilang rebeldeng sundalo na si Imperator Furiosa sa Mad Max: Fury Road ni George Miller.

Pinakamalakas naman ang hiyawan ng audience para kina Rebel Wilson at Adam DeVine, na nanalo ng best kiss para sa Pitch Perfect 2, at sa sobrang tuwa ay inulit pa nila sa entablado ang kanilang award-winning na halikan.

Ang isa pang kakatwang award, ang best fight, ay nasungkit naman nina Ryan Reynolds at Ed Skrein para sa Deadpool, at napanalunan din ni Ryan ang best comedic performance para sa nasabing pelikula.

Ang best ensemble cast ay iniuwi ng Pitch Perfect 2, at iniuwi naman ni Chris Pratt ang best action performance sa pakikipag-away sa mga CGI dinosaur sa Jurassic World.

Napagwagian ni Amy Poehler ang best virtual performance sa kanyang pagganap bilang Joy sa Oscar-winning Pixar animation na Inside Out, samantalang ginawaran ng “true story” award ang biopic na Straight Outta Compton.