UNITED NATIONS, United States (AFP/AP) – Sa unang pagkakataon sa 70-taong kasaysayan ng United Nations, ang mga kandidatong nangangarap na maging secretary-general ay magtatagisan ng galing sa harap ng mga gobyerno ng mundo sa mga pagdinig simula ngayong Martes.
Apat na babae at apat na lalaki na nagpipresinta para maging world’s top diplomat ang isa-isang isasalang sa General Assembly sa loob ng dalawang oras upang ilatag ang kanilang mga vision at para sagutin ang mga katanungan ng mga kasaping estado at lipunang sibil.
Ang pagdinig na gaganapin sa unang pagkakataon ay bahagi ng mas malawak na pagsusulong para sa transparency ng pagpipili sa magiging kapalit ni Ban Ki-moon sa Enero 1, 2017.
‘’We have decided collectively to open up the race,’’ sabi ni French Ambassador Francois Delattre tungkol sa bagong selection process.
Sa loob ng maraming dekada, ang pagpili ng UN chief ay nasa kamay ng limang maimpluwensiyang permanent member ng Security Council – ang Britain, France, China, Russia at United States -- sa prosesong halos pinananatiling pribado.
Ngunit noong Setyembre ay bumoto ang General Assembly na alisin ang secrecy na bumabalot sa proseso, at hiniling sa mga kandidato na magpadala ng formal letter of application, magpresinta ng kanilang resume at humarap sa mga pagdinig.
Magsisimula ang selection process sa Hulyo at ilang botohan ang gaganapin hanggang sa Setyembre, kung kailan isusumite ng 15-member council ang isang nominado sa General Assembly, na inaasahang ieendoros ang pinili.
Nahaharap ang mga miyembro ng Security Council sa mga panawagan na pumili ng unang babaeng secretary general matapos ang walong magkakasunod na lalaki, at bigyang pansin ang kandidato mula sa Eastern Europe, ang natatanging rehiyon na hindi pa nagkaroon ng kinatawan sa top post.
Hindi makikibahagi sa mga pagdinig si Ban at ang tanging payo ng middle school teacher mula sa South Korea sa magiging kapalit niya: “Keep your feet firmly on the ground and your head in the clouds.”
Narito ang pagsilip sa walong kandidato:
IRINA BOKOVA – Pinuno ng UN cultural agency UNESCO simula 2009, si Bokova ay sandaling nanilbihan bilang foreign minister ng Bulgaria mula 1996 hanggang 1997 at naging ambassador to France at Monaco. Itinuturing na malakas na kandidato mula sa eastern Europe, ang 63-anyos na si Bokova ay nakikita rin na pro-Russian. Siya ay nagsasalita ng English, French, Russian at Spanish.
HELEN CLARK – Pinamunuan ng dating prime minister ng New Zealand ang UN Development Programme simula 2009, naging highest-ranking woman sa United Nations. Ang 66-anyos na dating academic ay isa sa longest-serving prime minister ng New Zealand, na namuno sa tatlong gobyerno sa tatlong magkakasunod na termino mula 1999 hanggang 2008. Itinuturing siyang ‘’pro-Western’’ ng ilang diplomat.
NATALIA GHERMAN – Pinamunuan ng dating foreign minister ng Moldova ang kanyang bansa sa mga negosasyon sa European Union kaugnay sa asosasyon at kalakalan. Hinawakan ni Gherman ang puwesto mula 2013 hanggang Enero ng taong ito. Ang 47-anyos na diplomat ay nagsilbi ring ambassador ng Moldova sa Austria, Sweden, Norway at Finland. Anak ng ikalimang president ng independent Moldova na Mircea Snegur, si Gherman ay nagsasalita ng English, Russian at German.
ANTONIO GUTERRES – Itinuturing na strong contender ang dating UN high commissioner for refugees sa pamamahala niya sa refugee crisis ng Europe. Pinamunuan niya ang UNHCR sa loob ng 10 taon hanggang noong Disyembre 2015 at hinarap ang isa sa pinakamapanghamong trabaho sa United Nations. Ang 66-anyos na socialist ay nagsilbing prime minister ng Portugal mula 1995 hanggang 2002. Isang trained engineer, si Guterres ay bihasa sa English, French at Spanish.
SRGJAN KERIM – Ang dating Macedonia foreign minister ay siya ring ambassador to the United Nations ng bansang Balkan at nagsilbing president ng UN General Assembly noong 2007 at 2008. Kalaunan siya ay naging UN envoy for climate change. Ang 67-anyos na si Kerim ay nagsasalita ng siyam na lengguwahe kabilang na ang English, French, German, Spanish at Italian.
IGOR LUKSIC – Foreign minister ng Montenegro simula 2012, si Luksic ay nagsilbi ring prime minister at finance minister. Sa edad na 39, siya ang pinakabatang contender sa karera para maging secretary-general. Nakapaglathala siya ng tatlong libro ng mga tula at prose kabilang na ang ‘’The Book of Fear,’’ na isinalin sa Italian at French. Bihasa sa English, si Luksic ay nagsasalita rin ng Italian, French at German.
VESNA PUSIC– Bilang foreign minister, ang puwesto na hawak niya sa loob ng limang taon hanggang sa Enero, pinamahalaan ng 62-anyos na Croatian ang pagpasok ng kanyang bansa sa European Union noong 2013. Isang sociologist, si Pusic ay masugid na tagasulong ng gender equality at LGBT rights. Siya ay bihasa sa English at German.
DANILO TURK – Ang dating president ng Slovenia ay ang una ring UN ambassador ng bansa noong 1992. Matapos magsilbing envoy ng Ljubljana, itinalaga siya bilang UN assistant secretary-general for political affairs, ang puwesto na hinawakan niya hanggang noong 2005 bago magbalik sa Slovenia para magturo ng law. Sa pagbabalik niya sa politika, nahalal siyang president noong 2007 at hinawakan ang puwestong ito hanggang 2012, nang magbalik siya sa pagtuturo ng law studies. Itinuturing siyang isa sa most experienced candidates. Nagsasalita siya ng French, English, German at Serbo-Croat.