ISANG magandang balita ang pagpapalaya ng Abu Sayyaf sa Italyano na dating misyonerong pari ng Simbahang Katoliko na naging negosyante na si Rolando del Torchio, na dinukot mula sa kanyang pag-aaring pizza pie house sa Dipolog City noong Oktubre 2015. Si Del Torchio, 57, ay natagpuan ng grupo ng mga pulis habang lulan sa isang pampasaherong bangka na biyaheng Zamboanga City, sa pantalan sa Jolo, Sulu, nitong Biyernes.
Inaabangan pa rin ngayon ang kasasapitan ng mga Canadian na sina John Ridsdel at Robert Hall, ng Norwegian na si Khartan Sekkingstad, at ng Pinay na si Marites Flor na dinukot mula sa isang resort sa Samal Island sa Davao Gulf noong Setyembre 2015. Mula sa lugar ng Davao, inilipat ang mga bihag sa katimugang Mindanao patungong Sulu sa timog-kanluran sa mga sumunod na linggo, at kalaunan ay napaulat na dinala sila sa kagubatan ng Jolo. Sa nasabing lalawigan, nitong Marso, ipinakita ng Abu Sayyaf ang kanilang mga bihag, sa video na ipinaskil sa website ng grupo, kasabay ng paghiling ng P1-bilyon ransom para sa bawat dayuhang biktima.
Sa buong panahong ito, tinutugis ng tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang Abu Sayyaf. ”Our priority is the safe rescue of the hostages,” sabi ng hepe ng AFP Public Affairs Office. “We will go on with our focused operations based on information at hand.”
Tutol ang gobyerno ng Pilipinas sa anumang hakbangin para magbayad ng ransom. Gayunman, hindi ito nakapigil sa mga bihag upang umapela sa kani-kanilang pamilya at sa kani-kanilang gobyerno tungkol sa usapin ng ransom. Sa huling video post ng Abu Sayyaf, isa sa dalawang bihag na Canadian ang direktang nanawagan ng saklolo kay Canadian Prime Minister Trudeau.
Nitong Sabado, nagkaroon ng engkuwentro sa pagitan ng Abu Sayyaf at ng mga sundalo ng gobyerno sa Basilan, na ikinasawi ng limang bandido at 18 mula sa militar. Gayunman, walang nabanggit tungkol sa mga bihag sa Jolo.
Sa pagpapalaya sa Italyanong si Rolando del Torchio sa Jolo kamakailan, naalala ng bansa ang tungkol sa mga dinukot mula sa Samal, kasama ng iba pang bihag, na nananatiling nasa kostudiya ng Abu Sayyaf. Patuloy tayong umasa na sila man ay mapapalaya na rin mula sa pagkakabihag upang matuldukan na ang labis nilang pagdurusa.