Pacquiao Bradley III

Ni Eddie Alinea

LAS VEGAS (AP) – Walang dapat ipagamba ang sambayanan sa kalalagyan ng Pilipinas sa world boxing ngayong retirado na si Manny Pacquiao.

Mismong si Pacquiao ay kumpiyansa at tiwala na may Pinoy na aangat upang palitan siya bilang mukha ng Philippine boxing.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Marami tayong boxers na magagaling. Mga pang-world class. Palakasin lang natin yung promotion, tapos i-train natin sila na parang Manny Pacquiao,” pahayag ng eight-division world champion.

Hindi maiwasan na usapang boxing ang huntahan sa unang araw ng pagiging retiradong boxer ni Pacman.

“Siyempre, kahit sabihin nating mag-enjoy at mare-relax tayo, hindi puwedeng maiwan ang boxing. Ito ang naging buhay natin. Ito ang dahilan kung bakit ako naging Manny Pacquiao,” aniya.

Ngunit, kung mayroong dapat manguna sa lahat, sinabi ni Pacquiao na ito’y ang pananalangin sa Diyos na Maykapal.

Bilang patunay, sinimulan ng 37-anyos na boxing icon ang unang araw ng buhay retirado sa pagdalo ng misa sa Michael Jackson Theater na nasa loob ng Mandalay Bay Delano. Nakasanayan na ito ni Pacquiao mula nang yakapin ang buhay born-again Christian.

“Sa Diyos nagmumula ang lahat, ang ating kalakasan at lahat ng biyaya kaya dapat tayong magpasalamat sa tuwina,” sambit ni Pacquiao.

Sa muling pababalik ng usapan sa boxing, sinabi ni Pacquiao na marami siyang nakikitang talento sa mga batang boxer na sinasanay ng kanyang sariling MP Promotion at umaasa siyang madadagdagan pa ito sa pag-usad ng panahon.

Sa Kasalukuyan, aniya, maganda na muli ang itinatakbo ng career ni Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr., gayundin ang sumisikat na Pagara brothers at mga batang apo ng yumaong Flash Elorde.

“Hindi tayo kulang sa talento. Balita ko may mga amateur boxer tayong lalaban na sa Olympics. Magtiyaga lang sila at handa naman tayong tumulong kaya walang dapat ipagamba ang sambayanan. Marami pa tayong magiging kampeon,” ayon kay Pacquiao.

Inamin ni Pacman na hindi niya puwedeng iwan at talikuran ang boxing dahil ito ang naging daan para marating niya ang pangarap na magtagumpay at makatulong sa kapwa.

“Ito ang naging buhay natin. Tiyak na mami-miss ko ang boxing, kaya dapat tayong tumulong para mas mapangalagaan natin ang yaman na ito ng Pilipino,” sambit ni Pacman.

Inamin ni Pacquiao na wala pa silang pormal na pag-uusap ng kanyang trainer na si Freddie Roach hinggil sa kanyang pagreretiro, ngunit nagpahayag na umano ito ng suporta sa kanyang hangarin na maglingkod sa sambayanan bilang isang mambabatas sa Senado.

“Nagmumuni-muni lang kami sa huling training namin. Pero, kilala namin ang isa’t isa, wala namang problema,”aniya.

Sa katanungan na kung may papalit sa kanya sa boxing world, pabiro ang tugon ni Pacman.

“Sa pangalan, syempre wala. Pero sa talent at husay siguradong marami,” aniya.

“Pero, isantabi muna natin yan. Let me first enjoy a life of retirement. I have never experience that,” aniya.