MAHALAGANG isulong ng susunod na secretary general ng United Nations ang isang bagong pandaigdigang kasunduan para sa mga refugee at ang tuluyan nang pagbuwag sa parusang kamatayan sa termino ng sinumang maluluklok sa puwesto.
Ayon sa Amnesty International, Human Rights Watch, at sa apat na iba pang grupong nagsusulong ng karapatang pantao, dapat na handa ang susunod na pinuno ng UN na baguhin ang UN charter upang maiwasan at matigil na ang malawakang karahasan, gaya ng pagpuntirya sa mga sibilyan sa panahon ng digmaan.
Ang eight-point agenda ng mga nabanggit na grupo ay inilabas kasabay ng paghahanda ng mga posibleng pumalit kay Ban Ki-moon sa pagharap sa UN General Assembly upang ilahad ang kani-kanilang hangarin at layunin, ang una sa 70-taong kasaysayan ng UN.
“Candidates to lead the United Nations have to stand up for human rights, starting now. They should not fear a backlash for doing so,” sabi ni Salil Shetty, na namumuno sa Amnesty International.
Habang ginigiyagis ang Europe ng pinakamatindi nitong refugee crisis simula noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, dapat na gawing prioridad ng susunod na pinuno ng UN ang isang bagong kasunduan para sa mga refugee at migrante na kinabibilangan ng pagkakaisa para sa resettlement, anang mga grupo.
Umapela ang rights activists para sa isang masusing pag-aaral sa mga sangay ng awtoridad na nangangasiwa sa international migration.
Hinimok ng anim na grupong nagtataguyod ng karapatang pantao ang mga kandidato na mangakong gagawin ang lahat upang tuluyan nang mabuwag ang parusang kamatayan sa kanilang termino, kasunod ng iniulat ng Amnesty kamakailan na dumadami ang nabibitay sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ang nasabing pagdami ng mga kaso ay pinatindi ng Iran, Pakistan, at Saudi Arabia, bagamat nagpaparusa rin ng kamatayan ang China at United States.
Hinikayat din ng mga grupong ito ang mga kandidato para maging susunod na UN secretary general na isulong ang pagtatanggol sa lipunan ng mga sibilyan, ang paglaban sa diskriminasyon, ang pagtiyak sa pagkakapantay-pantay ng kasarian, at ang paglaban sa pagliligtas sa parusa sa pamamagitan ng pagpapalakas sa International Criminal Court.
Mahalaga rin na buo ang loob ng bagong secretary general na manindigan laban sa pinakamakakapangyarihan sa mundo sa Security Council upang pigilan sila na gamitin ang kani-kanilang veto power para hadlangan ang pagbibigay ng wakas sa mga karahasan, ayon sa rights groups.
Inihalimbawa ng mga grupo ang kabiguan ng Security Council noong 2014 na idulog sa International Criminal Court ang gobyerno ng Syria para litisin sa mga war crime.
Hinarang ng Russia at China ang panukala, sa bisa ng kani-kanilang veto power.
Nanawagan ang anim na grupo ng “bold and transformative steps to improve the respect for human rights worldwide, leaving no-one behind.”
Ginawa ang apela habang binabato ang United Nations ng maraming alegasyon ng seksuwal na pang-aabuso ng umano’y mga UN peacekeeper na nagsisilbi sa Africa. - Agencé France Presse