Hindi na sinampahan ng kaso ang limang lalaking nangantiyaw sa vice presidential debate na ginanap sa University of Santo Tomas (UST) sa Sampaloc, Manila, nitong Linggo ng gabi.

Ayon kay Supt. Mannan Muarip, hepe ng Manila Police District (MPD) –Station 4, pinalaya na nila sina Lloyd Magsoy, 26; Joshua Ninalga, 19; Teddy Angeles, 20; Francis Deinla, 19; at Ralph Padolina, 19, pawang miyembro ng Youth Alliance Against the Return of Martial Law (Youth ALARM).

Dinala sila ng mga pulis sa presinto matapos na sumigaw ng “never again to martial law” nang ipakilala si Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa vice presidential debate.

Bagamat pinakiusapan na ng mga host na sina Pia Hontiveros at Pinky Webb ang lima ay nagpatuloy pa rin ang pangangantiyaw ng mga ito, na naging dahilan upang ipadampot sila ng mga event organizer.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Sinabi ni Maurip na wala nang balak ang CNN Philippines, organizer ng debate, na kasuhan pa ang mga nanggulong kabataan kaya pinalaya na ang mga ito matapos isailalim sa documentation at interogasyon. - Mary Ann Santiago