Pinagtibay ng Office of the Ombudsman ang isinampa nilang kasong graft laban kay Pangasinan Governor Amado Espino at sa ilang pang indibiduwal kaugnay ng pagkakadawit ng mga ito sa illegal black sand mining operations sa Lingayen. 

Ito ay matapos ibasura ng Ombudsman ang motion for reconsideration na isinampa ni Espino na kumukuwestiyon sa isinampang kasong katiwalian laban sa kanya.

Noong nakaraang Marso, kinasuhan ng Ombudsman si Espino at ang iba pang mga akusado nang payagan ng mga ito na magsagawa ng magnetite at mineral extraction activities at mabawi ang magnetite sands sa soil remediation operations sa isang golf course sa Barangay Sabangan.

Bukod kay Espino, kinasuhan din sina Provincial Administrator Rafael Baraan at Provincial Housing and Urban Development Coordinating Officer Alvin Bagay, kabilang din ang miyembro ng board of directors at contractors ng private mining firms na Alexandra Mining and Oil Ventures, Inc. (AMOVI) at Xypher Builders, Inc. (XBI) na sina Cesar Derata, Edwin Alcazar, Lolita Bolayog, Denise Ann Sia Kho Po, Annalyn Detera, Cynthia Camara, Glenn Subia, Michael Ramirez, Gina Alcazar, at Avery Pujol.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Paliwanag ng Ombudsman, dahil sa nasabing mining operations, nawalan ng kita ang gobyerno na P10,750,000 halaga ng minerals.

Sa naunang desisyon ng Ombudsman, natuklasang binigyan ng small-scale mining permit ng Pangasinan provincial government ang AMOVI noong Hunyo 29, 2011 kahit wala itong Environmental Compliance Certificate (ECC). - Rommel P. Tabbad