Labis na selos ang umanoý nag-udyok sa isang dalaga upang saksakin ang nobyong casino employee nang makipagmabutihan ang huli sa ibang babae sa Pasay City, nitong Linggo ng hapon.
Inoobserbahan sa Pasay City General Hospital (PCGH) si Ken Robert Valle, 23, empleyado sa Resorts World Casino, at residente ng Barangay 183, Zone 20, Villamor, dahil sa tinamong saksak at mga kalmot sa katawan.
Nagkasa naman ng manhunt operation ang Pasay City Police laban sa suspek na si Lanie Timbol, 25, ng nabanggit na lugar.
Ayon sa pulisya, posibleng maharap sa kasong frustrated homicide sa Pasay Prosecutor’s Office ang suspek.
Sa ulat na tinanggap ni Pasay Police chief Senior Supt. Joel Doria, dakong 1:40 ng hapon nagtalo ang magkasintahan na nauwi sa pananaksak sa loob ng kanilang apartment.
Nalaman ng suspek ang mabuting pakikitungo ng biktima sa isa nilang katrabahong babae sa casino, na hindi binanggit ang pangalan, hanggang sa pagsusuntukin at pagkakalmutin ni Timbol si Valle. Sa puntong ito, dumakma ng patalim si Lanie at pinagsasaksak ang nobyo.
Nang makitang duguan ang nobyo ay nahimasmasan ang suspek at tumakas habang isinugod naman ang biktima ng kanyang mga kapitbahay sa naturang pagamutan. - Bella Gamotea