Pinagbigyan ng Sandiganbayan ang mosyon ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. na sumailalim sa dental computerized tomography (CT) scan sa susunod na linggo.
Sa ruling ng First Division ng Sandiganbayan, maaaring lumabas ng kanyang kulungan si Revilla upang magtungo sa isang dental clinic sa Makati City sa Lunes, Abril 18, upang maisagawa ang naturang dental procedure.
Nauna nang hiniling ni Revilla sa korte na kanselahin ang April 9 dental CT scan nito at sa halip ay itakda sa Abril 18 dahil hindi available ang doktor nito sa nabanggit na petsa.
Paliwanag ni Revilla, kinakailangan niYAng sumailalim sa naturang proseso bilang paghahanda sa tooth implant placement nito.
Sinabi na ng Philippine National Police (PNP) Health Service’s Dental and Oral Surgery Center na wala silang CT Scan apparatus upang masuri ang kalagayan ng molar area ng senador.
Nakakulong ngayon si Revilla sa PNP Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City sa kasong plunder at graft dahil sa umano’y pagkakasangkot sa pork barrel fund scam makaraang ibulsa umano nito ang P224-milyon kickbacks mula sa ‘pork’ fund nito na inilaan sa mga bogus na non-government organization (NGO) ni businesswoman ni Janet Lim-Napoles. - Rommel P. Tabbad