Ni Angie Oredo

Legazpi City – Agad nagtala ng bagong record si Mea Gey Minora mula Davao Region sa pinakaunang event ng 2016 Palarong Pambansa matapos magtala ng matinding upset sa Secondary Girls 3,000m run sa pagsisimula ng kompetisyon kahapon sa Albay-Bu Sports & Tourism Complex.

Isinumite ng 16-anyos na Grade 10 student sa Kapatagan National High School ang tyempong 10 minuto at 03.43 segundo upang daigin si two-time record holder Jie Ann Calis ng Northern Mindanao.

“Masaya po ako dahil maipapakita ko na sa mga magulang ko ang gintong medalya. Lagi po kasi akong pangalawa lamang kay Calis at inspirasyon ko sila para manalo kasi kahit na nag-iisa lang akong anak ay gusto ko po silang matulungan,” sabi ni Minora.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

“It is a great achievement for her,” pahayag ng kanyang coach na si Maylene Quimque.

Aniya, nagpadala ng imbitasyon ang UCLA-Berkeley at University of Southern California-Oregon para bigyan ng ‘scholarship’ ang kanyang runner.

“I want her to grab the opportunity. She has been living with me when she started running in Grade 5 hanggang sa mapanalunan niya ang kanyang unang gold dito sa Palaro. Nakikita ko sa kanya na talagang pursigido siya kaya mas gusto ko na masanay siya kontra sa magagaling sa ibang bansa.”

Bagamat pumangalawa ay nagtala rin ng kanyang personal best ang tatlong sunod na taon na nagtala ng record na si Calis sa isinumite nitong 10:07.80 segundo na tumabon sa kanyang huling itinalang record noong nakaraang taon na 10:10.16 noong 2015 edition sa Tagum Davao Del Norte.

Nagsipagwagi rin ng ginto para sa kani-kanilang rehiyon sina John Marvin Rafols ng Central Visayas sa secondary boys long jump, Ronald Lacson ng Western Visayas sa Secondary Boys Javelin Throw at si Daniella Camonoga ng host na Bicol Region na nagwagi sa Elementary Girls Shot Put.

Bahagyang nabalot ng komento ang Secondary Boys Long jump matapos na magtabla sa natalon na 6.91 metro si Rafols at si Jaymark Gascon ng Ilocos Region. Gayunman, iginawad ang gintong medalya sa 17-anyos mula sa University of Cebu na si Rafols na nakamit ang kanyang unang gintong medalya sa Palaro.

Unang natalon ni Gascon ang 6.91m sa kanyang ikalimang pagtatangka habang naabot ni Rafols ang 6.91 sa kanyang ikaanim at huling talon.

Napagdesisyunan ng komite na ang gamitin ay ang 6.79 meter na naitalon ni Rafols sa kanyang ikalimang pagtatangka. Nailista naman ni Gacon ang 6.61m sa pareho ring ulit nang pagtalon.

Nakopo ni Nino Asores ng Estern Visayas ang bronze medal sa layong 6.64 meter.

Ibinigay naman ni Camanoga ang unang ginto sa host Bicol Region sa Elementary Girls Shot Put sa paghagis nito sa layong 9.46m. Ikalawa si Emajel Duran ng Negros Island (9.15m) para sa pilak at ikatlo si Valerie Cassandra ng Western Visayas (9.07m).

“Nais ko pong magpulis para matulungan ko po ang mga magulang ko,” sabi ng 13-anyos na si Camanoga, ika-13 sa 16 na magkakapatid mula sa Guinobatan, Albay.

Ito ang unang paglahok sa Palaro ni Camanoga.

Nagwagi naman sa Secondary Boys Javelin Throw si Ronald Lacson ng Western Visayas sa inihagis na 55.81m, ikalawa si Marjoe Igbalik ng Region IX (55.45m) at si Noel Balutan ng Region IV-B (51.15m).