Ni CHITO A. CHAVEZ

Hiniling ng akusadong apo ng namayapang si dating Maguindanao governor Andal Ampatuan, Sr., sa isang korte sa Quezon City na pahintulutan siyang magpasok ng portable air con sa kanyang selda sa Quezon City Jail Annex sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.

Sa dalawang pahinang omnibus motion, sinabi ng akusadong si Anwar Ampatuan, Jr. sa pamamagitan ng kanyang abogadong si Teresita Alejentera na ang kanyang kahilingan ay hindi naglalayong magtamasa ng mas paborableng kondisyon kundi para ito sa kanyang kalusugan.

Ayon kay Alejentera, ang kanyang kliyente ay naghihirap sa kakapusan ng paghinga at skin allergy.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ang mosyon ay inihain sa sala ni Judge Jocelyn Solis-Reyes ng Quezon City Regional Trial Court Branch 221.

Idinagdag ni Alejentera na dahil sa physical condition ng akusado at sa kasalukuyang temperatura sa loob ng city jail, nagiging madalas ang paghihingal at lumalala ang sakit nito sa balat.

“To prevent a more severe reaction on the skin of the accused which can cause an outbreak and to alleviate the breathing difficulties, it is humbly requested from this Court to allow the accused to bring in a portable air condition to his detention cell,” nakasaad sa mosyon.

Si Anwar ay kabilang sa 198 kinasuhan ng 58 counts of multiple murder kaugnay sa pagpaslang sa 58 katao kabilang na ang 32 miyembro ng media noong Nobyembre 23, 2009 sa Maguindanao massacre.