ISABELA CITY, Basilan – Nagpapatuloy ang pag-ulan ng bala, kasalit ang maya’t mayang pagratrat ng mga baril sa kagubatan ng magkaratig na barangay ng Baguindan at Silangkum sa Tipo-Tipo, Basilan, na 18 sundalo ang napatay habang 56 na iba pa ang nasugatan nitong Sabado, sa engkuwentro sa Abu Sayyaf Group (ASG), na pinamumunuan nina Isnilon Hapilon at Furigi Indama.
Sinabi ng dating alkalde ng Tipo-Tipo at kandidato ngayon para gobernador ng Basilan na si Joel Maturan na nagdadagdag ang militar ng mga sundalo sa lugar ng labanan simula nitong Linggo ng hapon, dahil sa pagpapatuloy ng labanan sa Tipo-Tipo.
Aniya, nakasuporta ang mga helicopter gunship ng militar sa mga sundalong nakikipaglaban sa mga miyembro ng Abu Sayyaf na pumatay sa 18 tauhan ng Philippine Army at pumugot sa apat sa mga ito nitong Sabado.
Sinabi ni Maturan na nagkalat ang mga sundalo sa mga pangunahing lansangan patungo sa lugar ng labanan, at magkakalapit din ang military checkpoint papasok sa Baguindan at Silangkum upang mapigilang masaklolohan ang mga bandidong naipit sa kagubatan.
“What is good in here, the members of the Moro Islamic Liberation Front (MILF) who lives near the conflict site has evacuated to a more safer site and did not dip their finger into the conflict,” ani Maturan.
Daan-daang residente malapit sa lugar ng labanan ang nagsilikas na upang maiwasang maipit sa engkuwentro.
“The military must not stop their operations against the ASG to prevent the group from regrouping and gain strength again,” sabi pa ni Maturan. “If the ASG will not run out of bullets, they will run out of food and this can make them weak in fighting the soldiers.”
Kasabay nito, sinabi ni Maturan na naniniwala siyang hindi kasama ng mga nakikipagbakbakang bandido ang mga bihag nito. (NONOY E. LACSON)