Steph Curry

SAN ANTONIO (AP) — Minsan nang ibinigay ni cage icon Michael Jordan ang kanyang basbas para abutin ng Golden State Warriors ang 72-10 marka ng Chicago Bulls.

Sa kasalukuyan, isang panalo na lamang ang kailangan ng Warriors para malagpasan ang kasaysayan na naganap may 21 taon na ang nakalilipas.

Napantayan ng Warriors ang marka na wala sa hinagap na mabubura pa nang gapiin ang matikas na San Antonio Spurs, 92-86, Linggo ng gabi (Lunes sa Manila) para sa ika-72 panalo ngayong season.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Hataw si Stephen Curry sa naiskor na 37 puntos para pangunahan ang Warriors sa pag-abot sa marka na naitala ng tinaguriang ‘Mighty Bulls’ noong 1995-96 season.

“We can get to 73,” pahayag ni forward Draymond Green.”That’s the significance for me of 72.”

Magagawa ng defending champion na maitala ang bagong marka sa kasaysayan ng NBA sa panalo kontra Memphis Grizzlies sa kanilang final home game ngayong season sa Miyerkules (Huwebes sa Manila).

“Obviously, we’re in the moment, enjoying the ride,” pahayag ni Curry.

“The goal is to win a championship. That’s the goal. But we put ourselves in a great position to end the season with a win and do something no team has done in the history. That’s an amazing accomplishment,” aniya.

At kahanga-hanga ang paraan ng Warriors para makuha ang No. 72 – gapiin ang Spurs sa kanilang teritoryo sa AT&T Center.

Bago ang kabiguan, tangan ng Spurs ang 48 sunod na panalo sa regular-season, kabilang ang NBA-record 39 sunod ngayong season. Natuldukan din ng Golden State ang 33-game skid sa San Antonio. Huling nanalo ang Warriors sa San Antonio noong 1997.

“Definitely sweet because we broke the streak,” sambit ni Warriors guard Klay Thompson.

“That’s all the media would talk about for the last few years. It’s tough to win here. It definitely was huge for us.”

Naglaro ang Spurs na wala si star center Tim Duncan na binigyan ng day off ni coach Greg Popovich, gayundin si forward Boris Diaw na may injury sa paa. Ito ang ikalawang kabiguan ng Spurs sa Warriors sa loob ng isang linggo nang biguan sila sa Golden State, 112-101, sa nakalipas na Huwebes.

PACERS 129, NETS 105

Sa Indianapolis, ginapi ng Pacers, sa pangunguna ni Myles Turner na kumubra ng 28 puntos at 10 rebound, ang Brooklyn Nets para makasikwat ng playoff berth sa Eastern Conference.

Nag-ambag si Solomon Hill ng 13 puntos at 12 rebound, habang kumana sina George Hill na may 18 puntos, Ian Mahinmi na tumipa ng 16, at Paul George na kumasa ng 15 puntos.

May dalawang laro pang nalalabi ang Pacers at malaking posibilidad na makatabla nila ang Detroit at masiguro ang No. 7 spot sa playoff.

CLIPPERS 98, MAVERICKS 91

Sa Los Angeles, ratsada si Jamal Crawford sa naiskor na 22 puntos para gabayan ang Clippers kontra Dallas Mavericks.

Naputol ng Los Angeles ang six-game winning streak ng Dallas sapat para mabitin ang kampanya ng Mavs na makasiguro ng playoff spot sa West Conference.

Bumagsak ang Mavs (41-39) sa ikapitong puwesto, isang laro ang layo sa Memphis may dalawang laro pa ang nalalabi.

Sa iba pang laro, nagwagi ang Utah Jazz kontra Denver Nuggets, 100-84; namayani ang Houston Rockets sa Los Angeles Lakers, 120-110; hiniya ng Toronto Raptors ang New York Knicks, 93-89; naungusan ng Washington Wizards ang Charlotte Wizards, 113-98; nasunog ng Miami Heat ang Orlando Magic,118-96; tinalo ng Milwaukee Bucks ang Philadelphia 76ers sa OT, 109-108.