Steph Curry

MEMPHIS, Tennessee (AP) — Ilang ulit nang nagpanalo ang Golden State sa dominanteng pamamaraan. At maging sa krusyal na sitwasyon, may sapat na lakas at angking suwerte ang Warriors.

Naibuslo ni Draymond Green ang tip-in, may 59 segundo sa laro, para makumpleto ang 10 puntos na paghahabol at agawin ang makapigil-hiningang 100-99 panalo kontra Memphis Grizzlies nitong Sabado (Linggo sa Manila).

Matapos makamit ang karangalan bilang ikalawang koponan sa kasaysayan ng NBA na nakapagwagi ng 70 panalo sa isang season, napantayan nang bahagya ng Warriors ang NBA record na 1995-96 Chicago Bulls na pinamumunuan noon ni Michael Jordan.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Sa naipanalong 33 road game, napantayan din ng Golden State ang record na 33-8 ng Chicago. Sasabak ang Warriors (71-9) kontra sa matikas ding San Antonio Spurs sa Linggo (Lunes sa Manila), target ang panalo na papantay sa record ng Bulls (72-10). Ngunit, bigo ang Warriors sa 33 sunod na laro sa San Antonio.

Tumapos si Green na may 23 puntos at 11 rebound, habang kumana si Klay Thompson ng 20 puntos at tumipa si Stephen Curry ng 17 puntos.

Nagmintis si Lance Stephenson sa dalawang sunod na opensa ng Memphis na nagpanalo sana sa Grizzlies.

Nanguna si Matt Barnes sa Memphis sa 24 na puntos at 15 rebound.

BULLS 105, CAVALIERS 102

Sa Chicago, kahit sa gipit na katayuan, asahang lalaban nang sabayan ang Bulls.

Hataw si Jimmy Butler sa 21 puntos, habang kumubra si rookie Cristiano Felicio ng career-high 16 na puntos para sandigan ang Chicago laban sa Cleveland Cavaliers.

Nadomina ng Chicago ang laro sa final period, tampok ang 15-0 run at tuluyang nakalusot nang sumablay ang 3-pointer ni JR Smith sa buzzer.

Sa kabila ng naiskor na 33 puntos ni James, umuwing talunan ang Cavs na nagmintis sa kampanyang makuha ang No.1 seeding sa Eastern Conference playoff.

Kakailanganin naman ng Bulls na maipanalo ang huling dalawang laro at magdasal na matalo ang Indiana Pacers sa huling tatlong laro para makasabit sa No.8 sa playoff.

HAWKS 118, CELTICS 107

Sa Atlanta, dinagit ng Hawks, sa pangunguna ni Paul Millsap na kumana ng season-high 31 puntos at 16 rebound, ang Boston Celtics.

Ratsada rin si Jeff Teague na may 24 na puntos, habang tumipa si Kent Bazemore ng 21 puntos para sa Atlanta.

Tumapos si Marcus Smart na may 19 puntos, habang humugot sina Jae Crowder at Isaiah Thomas ng tig-16 puntos para sa Celtics.

TIMBERWOLVES 106, TRAIL BLAZERS 105

Sa Portland, naisalpak ni Karl-Anthony Towns ang turnaround hook shot sa huling 1.8 segundo sa krusyal na panalo kontra Portland Trail Blazers.

Naagaw ng Blazers ang bentahe sa 105-104 mula sa 3-pointer at dalawang free throw ni Damian Lillard may 3.5 segundo ang nalalabi.

Sa huling play, nagpakatatag ang rookie forward tungo sa kabuuang 27 puntos, habang nagsalansan si Andrew Wiggins ng 23 puntos.

Sa iba pang laro, tinuyot ng Phoenix Suns ang New Orleans Pelicans, 121-100; pinahina ng Sacramento Kings ang Oklahoma City Thunder, 114-112.