Si Senator Francis “Chiz” Escudero ang pinakapinagkakatiwalaan ng mga botante sa anim na kandidato para bise presidente sa Mayo 9, batay sa isang survey.
Lumitaw sa survey ng Laylo Research Strategies, na isinagawa noong Marso 26-30 sa may 1,500 botante, na tinalo ni Escudero ang ibang kandidato sa pagka-bise presidente matapos siyang makakuha ng 47 porsiyento.
Sampung puntos ang lamang ni Escudero sa kanyang katunggali na si Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na nakakuha ng 37 porsiyento.
Sumunod naman sina Camarines Sur Rep. Leni Robredo, na may 35 porsiyento; Sen. Alan Peter Cayetano, 27 porsiyento; Sen. Antonio Trillanes IV, 21 porsiyento; at Sen. Gringo Honasan, 19 porsiyento.
Sa parehong survey, si Escudero rin ang nanguna sa listahan ng iboboto ng mga botante na nakakuha ng 28 porsiyento; pumangalawa si Marcos, 27 porsiyento; Robredo, 26 porsiyento; Cayetano, 13 porsiyento; Trillanes, limang porsiyento; at Honasan, apat na porsiyento.
Pinakamataas ang nakuha ni Escudero sa South Luzon at Bicol, na mayroon siyang 34 na porsiyento.
Numero uno rin si Escudero sa mga botanteng babae sa nakuha niyang 29 porsiyento, kumpara sa 24 porsiyento nina Marcos at Robredo.
Si Escudero rin ang pinakapinapaboran ng kabataan dahil 33 porsiyento ng mga botante na edad 18-34 ay gustong siya ang manalong bise-presidente. - Leonel Abasola