HINDI lamang nakaapekto ang tagtuyot dulot ng El Niño phenomenon sa mga taniman sa maraming lalawigan sa bansa. Natuyot din dahil dito ang malalawak na bahagi at paligid ng mga bundok ng Apo, Kitanglad, at Kalatungan na ngayon ay tinutupok ng apoy.
Mahigit dalawang linggo nang namiminsala ang sunog sa Mt. Apo sa Katimugang Davao. Mula nang magsimula ito noong Sabado de Gloria noong nakaraang buwan, tinupok na nito ang mahigit 350 ektarya ng kagubatan at damuhan. Ngayon, nagbabanta itong kumalat sa iba pang bahagi ng 7,000-ektaryang kagubatan.
Ang sunog sa Mt. Apo ay pinaniniwalaang nagsimula sa trail sa Kidapawan City at posibleng dahil sa mga nag-camping. Bumuo na ang mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources, Department of Interior and Local Government, Bureau of Fire Protection, at mga lokal na pamahalaan ng pitong grupo na maglalagay ng fire lines upang mapigilan ang pagkalat ng apoy, habang nagpadala naman ang Philippine Air Force ng isang helicopter na magbubuhos ng balde-balde ng tubig sa apoy. Ngunit nabigo ang kanilang mga pagsisikap na mapigilan ang pagkalat ng apoy.
Sa hilagang bahagi ng Bukidnon, sumiklab na rin ang sunog sa dalawa pang bundok—ang Mt. Kitanglad at Mt. Kalatungan. Napinsala na ng limang sunog sa Mt. Kitanglad ang may 850 ektarya ng kagubatan at damuhan. Nasa 143 ektarya naman ang nilamon ng apoy sa Mt. Kalatungan.
Sa kanluran ng Mt. Apo, isinara na sa mga mountaineer ang Mt. Matutum sa South Cotabato kasunod ng dalawang forest fire sa katimugang bahagi ng paanan nito na puminsala sa limang ektarya ng talahiban, habang ang isa pang pagliliyab sa kabilang bahagi ng bundok ay nakaapekto naman sa isang ektarya ng taniman.
Ngunit ang sunog sa Mt. Apo ang pinakamalaking alalahanin dahil napinsala na nito ang malawak na bahagi ng bundok at nagbabantang masira ang kagubatan na nagsisilbing tahanan ng halos naglalaho nang Philippine Eagle. Nakiisa na rin ang Eastern Mindanao Command ng Philippine Army sa pag-apula sa apoy at dalawang helicopter na ang nagbubuhos ng balde-baldeng tubig upang maapula ang pagliliyab.
Ang Mt. Apo, ang pinakamataas na bundok sa bansa, ang itinuturing ng DENR na sentro ng endemism sa Mindanao, at isa sa may pinakamataas na land-based biodiversity sa bansa. Kabilang ito sa talaan ng World Heritage ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO). Labinwalong araw nang nananalasa ang apoy at mahalagang pakilusin ang lahat ng puwersa upang tuluyan na itong maapula bago pa nito mapinsala ang lahat ng halaman at hayop sa bundok, partikular na ang ating pambansang hayop, ang Philippine Eagle.