DAHIL sa pag-iinit ng mundo o global warming, nagbabago ang pag-ikot ng Mundo sa polar axis nito. Ito ang natuklasan ng bagong pag-aaral ng National Aeronautics and Space Administration (NASA).

Ang pagkatunaw ng yelo—partikular na sa Greenland—ang nagpapabago sa distribusyon ng bigat ng Mundo. Dahil dito, gumewang ang North Pole at South Pole, o ang tinatawag na polar motion, at nagbago ang direksiyon nito, ayon sa pag-aaral na inilathala nitong Abril 8 sa journal na Science Advances.

Maingat ang pagsukat ng mga siyentista at mga navigator sa tunay na galaw ng mga pole simula noong 1899 at sa halos buong ika-20 siglo ay bahagyang kumilos patungo sa Canada. Ngunit nagbago ito ngayong siglo at kumikilos na ngayon sa direksiyon ng England, ayon sa pangunahing may akda ng pag-aaral na si Surendra Adhikari, ng Jet Propulsion Lab ng NASA.

“The recent shift from the 20th-century direction is very dramatic,” sabi ni Adhikari.

Bagamat sinabi ng mga siyentista na walang masamang naidudulot ang pagbabago ng kilos ng Mundo, makahulugan naman ito. Sinabi ni Jonathan Overpeck, propesor ng geosciences sa University of Arizona na hindi sangkot sa pag-aaral, na “this highlights how real and profoundly large an impact humans are having on the planet”.

Simula 2003, natunaw na ang average na mahigit 600 trillion pounds ng niyebe sa Greenland kada taon at nakaaapekto ito sa paggewang ng Mundo, gaya ng sa pagtataas ng figure skater ng isa niyang binti habang umiikot, pagkukumpara naman ng NASA scientist na si Eirk Ivins, na isa sa mga sumulat ng pag-aaral.

Sa paglalarawan ni Ivins, isipin na lang, aniya, na may isang bilyong truck ang naghahakot ng niyebe mula sa Greenland taun-taon. Bukod dito, naglalaho rin sa West Antarctica ang may 275 trillion pounds ng yelo habang nasa 165 trillion pounds naman ng yelo ang nadadagdag sa East Antarctica kada taon, kaya naman lalong tumatabingi ang planeta, ayon kay Ivins.

Kapag pinagsama-sama, pasilangan ang hatak ng polar motion, ayon kay Adhikari.

Taong 2013 nang sisihin ni Jianli Chen, isang senior research scientist sa Center for Space Research ng University of Texas, ang pagtabingi ng planeta sa climate change, at sinabi niya ngayon na ang bagong pag-aaral na ito ay isang patunay na tama ang kanyang hinala.

“There is nothing to worry about,” sabi ni Chen, na hindi bahagi ng pag-aaral ng NASA. “It is just another interesting effect of climate change.” - Associated Press