AYOS na sana, eh, kaya lang dahil sa ambisyon noong panahon ng martial law, binaligtad ang mundo at ginawang “Multi-Party System” upang manaig ang dambuhalang Partido ng KBL (Kilusang Bagong Lipunan) laban sa pipityuging grupo ng oposisyon sa ilang bahagi ng bansa.
Pipityugin dahil walang pondong maaaring ipangtapat, kapos sa sariling inspektor sa presinto, at dahil sa monopolyo ng pamahalaan sa press at media kaya nakahimlay ang malayang pamamahayag.
Ang pagluklok kay Cory, sa halip na ibalik ang Two Party System, lalong sinilid sa kabaong ang tama at kinagisnang pamaaraan ng partido pulitikal sa 1987 constitution.
Kaya ngayon, halos 200 partido ang nagbabangayan, habang ang laging nahahalal na pangulo (maliban kay Erap) ay kapos sa mayorya ng taumbayan – walang malinaw na mandato – dahil karamihan sa mga ito ay hindi siya ibinoto at hindi pabor sa kanyang liderato. Bale ba ang kasalukuyang patapon na sistema, tinuring “Birthday party” dahil kung sikat at may pera ka, maaring magtayo ng sariling piging para kumandidato.
O kung nais ng pulitiko mamantikaan, ay kung ano ang partido ng presidente, katulad sa tipaklong, talon agad at “mag-ober da bakod” sa kulay, anyo at sayaw ng bagong pamahalaan. Tawag dito “matalinong panggugulang”.
Prinsipyo? Ano yun? Dungis iniiwan sa kalakaran ngayon, imbes na dangal. Noon kasi sa Two Party, ang mga inspector ng partido ay sinusuwelduhan ng pamahalaan para palawigin ang dalawang partido sabay palalakasin ang demokrasya. Halimbawa, iniluklok natin ang katulad ni Diosdado Macapagal na “poor boy” kasi hindi niya kailangan magnakaw o maging corrupt para kumandidato.
Mga bantay-presinto sagot ng gobyerno. Paano ngayon? Kanya-kanyang nakaw, diskarte, bulsa para makatakbo.
Pera-pera na nga kelangan ngayon sa ilang daang libong presinto pa lang na “watchers”.
Paano pa ang abot-langit na patalastas sa media – partikular na sa telebisyon at radyo. Pansin ninyo, tinataasan ito tuwing halalan? Ang bawat 30 segundo sa telebisyon ay nagkakahalaga ng P300,000! Tinataga ng naghaharing media ang mga kandidato at tinutulak na dumiskarte sa pangungulimbat.
Hindi ba nakikinabang ang media sa kaligiran ng demokrasya, sa simoy ng kalayaan? Maaari ba na umambag sila? Magmalasakit? Ibaba ang presyo ng airtime, upang itaas ang antas ng talastasan, impormasyon at katalinuhan ng botante?