Ni GENALYN D. KABILING
Binati ng Malacañang ang eight-division world champion na si Manny Pacquiao makaraan niyang talunin ang American boxer na si Timothy Bradley sa kanilang ikatlong paghaharap sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada, kahapon.
“Manny Pacquiao has done the Filipino nation proud again by winning decisively against Timothy Bradley,” pahayag ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma Jr.
Pinasalamatan din ng Palasyo si Pacquiao sa pagpapamalas nito sa buong mundo ng katapangan at galing ng Pinoy sa pakikipagsabayan sa lona.
Sa kanyang huling pagsabak sa boxing matapos ang 21 taon, muling namayagpag si Pacquiao laban kay Bradley, na mas bata ng limang taon sa tinaguriang “Pambansang Kamao”, sa unanimous decision base sa iskor ng tatlong judge na 116-110.
Nang tanungin kung nararapat lang na magretiro na si Pacquiao sa boxing, sinabi ni Coloma: “Every champion wants to finish with a flourish. A victory provides an exclamation mark to a glorious career.”
Tinuldukan ng 37-anyos na Pinoy boxer ang kanyang ika-66 na laban upang bigyang-daan ang kanyang kandidatura sa pagkasenador sa eleksiyon sa Mayo 9.
Bigo naman si Coloma na kumpirmahin kung nanood si Pangulong Aquino ng Pacquiao-Bradley fight o kung tinawagan na nito nang personal si Pacman upang batiin sa bagong tagumpay.
Tumanggi namang magkomento si Coloma sa tanong ng media kung makatutulong ba ang huling panalo ni Pacquiao sa kandidatura ng kongresista.