Ni Angie Oredo
Nangako ang tagapangasiwa ng LBC Ronda Pilipinas na mas malaki at mas pinalawak na distansiya ang ihahanda sa ikapitong edisyon ng karera sa 2017.
“After the smashing success of our sixth LBC Ronda Pilipinas, we’re eyeing to broaden our horizon and make it bigger and more exciting next year,” pahayag ni LBC Ronda Pilipinas project director at LBC sports development head Moe Chulani.
Dinomina ng Navy-Standard Insurance rider ang ikaanim na edisyon ng taunang karera na kinukonsidera na siyang pinakamalaki at organisado, sa pangunguna ni Jan Paul Morales na kampeon sa Mindanao at Luzon leg.
Nakopo naman ni Ronald Oranza, miyembro rin ng Navy, ang Visayas Leg.
Tinatayang aabot sa P800,000 mula sa nakatayang P3.4 milyon premyo ang naiuwi ng Navymen, humataw din sa overall team standings sa loob ng tatlong leg ng karera na itinataguyod ng LBC Express, sa pakikipagtulungan ng PhilCycling, Manny V. Pangilinan Sports Foundation, Petron, Versa Radio-Tech 1 Corp., Maynilad at NLEX.
Nagpakita rin ng katatagan ang LBC-MVP Sports Foundation, sa pangunguna nina Rustom Lim at George Oconer, subalit hindi sila umubra sa mas preparado at hatak sa kasanayan na Navymen na winalis halos lahat ng nakatayang award.
“Wala naman kaming sikreto. We just train hard and we have this team-first mentality,” sabi ni Navy skipper Lloyd Lucien Reynante.
Para kay Morales, nakatuon ito na makabalik sa national team at paghandaan ang susunod na Southeast Asian Games sa Malaysia at sa pagho-host muli ng Pilipinas sa 2019.
“I’ll just take a brief rest and I will be back to training again because my next goal is to win a gold in the SEA Games,” sambit ng 30-anyos na si Morales, nagawang magwagi ng P179,000 sa Luzon Leg.
Binuksan ng LBC Ronda ngayong taon ang karera para sa executive racing sa unang pagkakataon para iparamdam sa lahat ang karanasan na makalahok sa de-kalidad na karera sa isinagawang “Community ride”.
Plano sa susunod na taon ni Chulani na idagdag na rin ang mountain biking sa isasagawang karera.
“We’re strongly considering mountain biking in next year’s LBC Ronda Pilipinas. Cycling isn’t all about road race anyway,” sabi ni Chulani. “Who knows we might also have BMX races.” dagdag pa nito.