LAS VEGAS (AP) — Tila hindi pa napapanahon ang pagreretiro ni Manny Pacquiao.
Sa kanyang pagbabalik mula sa pinakamalaking kabiguan sa kanyang career, kahanga-hanga ang tikas at husay ni Pacquiao, kung saan dalawang ulit niyang pinabagsak ang karibal na si Timothy Bradley tungo sa 12-round unanimous decision win nitong Sabado ng gabi (Linggo sa Manila).
Walang bahid nang pangangalawang ang galaw at diskarte ni Pacman matapos ang halos isang taong pamamahinga nang ipagamot ang na-injured na kanang balikat sa laban kay Floyd Mayweather, Jr. sa “Fight of the Century”, para gapiin si Bradley sa ikalawang pagkakataon sa kanilang rubber-match.
Sa ikinilos at ipinamalas na kahusayan ni Pacman, tatakbo sa pagkasenador sa halalan sa Pilipinas sa Mayo 9, posibleng mabago ang kanyang plano na magretiro na sa boxing.
Pinabagsak ni Pacquiao, tangan ang ring record na na 58-6-2, sa unang pagkakataon si Bradley (33-2-1) sa ikapitong round, sa kabila ng tila pagkakadulas nito. Subalit sa ikalawang pagkakataon sa ikasiyam na round, walang duda na narindi si Bradley sa lakas ng suntok ni Pacman.
Pawang nagbigay ng 116-110 iskor ang tatlong hurado, habang ibinigay ng Associated Press ang 117-110, pabor kay Pacquiao.
Dumagundong ang arena sa hiyawan ng crowd na tinatayang umabot sa 14,665 nang magsimulang magbunyi ang mga tagahanga at magsigawan ng ‘Manny!, Manny!”habang tinatangka ng Pinoy champ na tapusin ang laban via knockout kahit lamang na siya sa scorecard.
Kung tuluyan na ngang magreretiro ang 37-anyos na si Pacquiao, kahanga-hanga ang boxing record na kanyang maiiwan. Maliban sa kabiguan kay Mayweather, Jr. at ang TKO lost kay Juan Marquez, hindi matatawaran ang boxing career ni Pacman na tinampukan ng walong weight division title sa loob ng 21 taong career.
“I was looking for a knockout in every round,” pahayag ni Pacquiao. “He’s a very tough fighter and a very good counter puncher.”
“Teddy obviously made a difference. This was the best Timothy Bradley I have faced in the three fights,” aniya.
Garantisadong US$7 million ang premyo ni Pacquiao, habang may US$3 million si Bradley.
Inamin ni Bradley na lubhang malakas at mahusay si Pacquiao at tunay na pinaghandaan ng kampeon ang kanilang laban.
“Manny was strong the entire fight and he was also very patient,” sambit ni Bradley. “I wasn’t professional enough to stay patient myself and I walked into shots.”
“He was very quick, very explosive,” aniya.
Sa ringside punching stats, napatama ni Pacquiao ang 122 sa 439 na binitiwang suntok, habang nakapagpatama lamang si Bradley ng 99 sa 302 na bigwas.