Bangus Festival Dagupan

Sinulat at mga larawang kuha ni LIEZLE BASA IÑIGO

DAGUPAN CITY, Pangasinan -- Ang Bangus Festival ang isa sa mga pinakaaabangang festival sa Norte at itinuturing na pinakamalaki at pinakamakulay na selebrasyon na nagtatampok sa kultura at pangunahing produkto ng Dagupan City.

Sa taong 2016, ang selebrasyon ng Bangus Festival ay pinaghandaan ng maraming aktibidad na sa grand opening pa lamang nitong Abril 8, ay dinumog na ng 50,000 Dagupeño, mga bisita at balikabayan na sumaksi sa pinakapaboritong Gilon-Gilon o street dancing.

Tourism

NAIA, 'worst airport' sa buong mundo—Australian firm

Bago ginanap ang street dancing competition sa plaza ng Dagupan ay nagparada muna ang mga kalahok sa downtown area kaya pansamantalang isinara ang kalsada sa mga pampubliko at pribadong saksayan.

Ayon kay Supt. Christopher Abrahano, hepe ng Dagupan Police nasa 30,000 ang estimated na tao sa kalsada at nadagdagan pa ito ng 20,000 nang pormal na buksan ang street dancing at panauhing pandangal, ang sikat na si Alden Richards.

Hindi inalintana ng mga tao ang matinding init ng panahon sa pag-antabay sa pagdating ni Alden kahit pa gabi na siya nagkaroon ng show.

Ang taunang selebrasyon ng Bangus Festival ay ginaganap tuwing summer at ngayong taon ay sinimulan ang festival ng Abril 6 at tatagal hanggang Abril 30 na may iba’t ibang aktibidad tampok ang ipinagmamalaking produkto ng Dagupan, ang bangus.

Kabilang din sa mga aktibidad sa Bangus Festival ang  Bangusine Bangus International Cuisine Showcase na nilalahukan ng ilang dayuhan. Kaabang-abang din ang Festivals of the North na nakikipag-showdown ang mga kalapit-probinsiya sa street dance sa Abril 15.

Tampok sa Festivals of the North ang magkakaibang  musika at costume ng iba’t ibang probinsiya sa norte.

Sa Bangusan Street Party ay mga kilalang banda naman ang masasaksihan sa Abril 30.

Habang nag-iihaw ng masarap at malasang bangus, pasasayahin ang mga manonood at ng mga kilalang banda sa kahabaan ng De Venecia road extension.