Ipinahayag kahapon ng Pintakasi of Champions at ng pamunuan ng Araneta Coliseum ang pagtatanghal sa ikalawang edisyon ng World Slasher Cup sa Mayo 25-31.
Mula sa matagumpay na 2016 World Slasher Cup-1 Invitational Derby, pinakamalaki sa kasaysayan nito na ginanap noong Enero 30 hanggang Pebrero 4 ngayong taon, nangangako itong hihigitan pa ang nakaraang kumpetisyon.
Ang ikalawang edisyon ay magkakaroon ng magkahiwalay na 2-cock elimination days na nakatakda sa ika-25 at 26 ng Mayo.
Ang 4-cock pre-finals ay gaganapin sa ika-29 ng Mayo para sa mga makaka-iskor ng 2, 2.5 at 3 puntos, habang ang ibang kalahok naman sa ika-30.
Sentro ng pagtatanghal ng 2016 World Slasher Cup-2 ang 4-cock grand finals sa ika-31 ng Mayo kung kailan lahat ng kalahok na may iskor na 3.5 o 4 puntos ang maghaharap para sa kampeonato.
Nakatakda sa P88,000 ang entry fee, habang ang minimum bet requirement naman ay P33,000.
Ang 2016 World Slasher Cup-2 Invitational Derby ay hatid ng Thunderbird Platinum, Thunderbird Bexan XP, Gamefowl Magazine, Supersabong, - Bigtime Sabong sa Telebisyon, Chicken Talk, Cockpihan – Usapang Sabong sa Radyo.